193 total views
Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang Malacañang at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng mga petisyong kumukuwestiyon sa mga limitasyong itinakda sa ilalim ng DENR Freedom of Information (FOI) Manual na humahadlang sa pagkuha ng mahahalagang impormasyong pangkalikasan.
Inatasan ng Korte Suprema ang dalawang ahensya na magsumite ng komento sa mga petisyong humihiling na ideklarang labag sa Konstitusyon ang DENR Administrative Order (DAO) 2016-29 dahil sa paglikha nito ng mga karagdagang pagbubukod sa pagbibigay ng impormasyon na walang batayan sa umiiral na batas.
Ayon kay Environmental Legal Assistance Center (ELAC) Senior Legal Officer Atty. Grizelda Mayo-Anda, mahalagang mapanatiling bukas sa publiko ang mga impormasyong may kaugnayan sa kalikasan upang makalahok ang mga mamamayan sa mga desisyong direktang nakaaapekto sa kanilang mga komunidad.
“Restricting access to environmental information undermines the public’s ability to participate meaningfully in decisions that directly affect them. Here in Palawan, this means indigenous peoples and local communities are blinded to how extractive projects like large-scale mining will affect sacred sites, farmlands, and biodiversity corridors,” ayon kay Mayo-Anda.
Nauna nang nagpasa ng petisyon noong Nobyembre 2025 ang Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) kasama si Marbel Bishop Cerilo ‘Alan’ Casicas matapos tanggihan ang kanilang mga kahilingan para sa impormasyon kaugnay ng kontrobersyal na Tampakan Copper-Gold Mining Project at iba pang proyekto.
Sinundan ito ng hiwalay na petisyong inihain noong Pebrero 2026 ng Pinauntungan Et Ka Pala’wanan (PEKP), isang organisasyon ng mga katutubo sa Palawan, sa pamamagitan ng ELAC.
Sinabi ni Moharen Tambiling ng PEKP, sila mismo ang unang nakararanas ng epekto ng pagkasira ng kalikasan ngunit nahihirapang makakuha ng impormasyong may kaugnayan sa mga proyektong nakaaapekto sa kanilang lupang ninuno.
Nag-ugat ang petisyon sa karanasan ng mga residente at katutubo sa Brooke’s Point, Palawan na apektado ng operasyon ng Ipilan Nickel Corporation, kung saan sinasabing naapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka at komunidad at naiugnay pa sa pagbaha noong 2023.
“Sa petisyong ito, hindi naman kami humihiling ng pabor. Nais lamang namin malaman ang mga epekto ng mga proyektong ito sa aming komunidad, lalo na kami ang haharap sa mga kahihinatnan sa darating na mga taon,” dagdag ni Tambiling.
Batay sa petisyon, humiling ang PEKP ng kopya ng Environmental Impact Statement noong 2022 ngunit tinanggihan ito ng Environmental Management Bureau-MIMAROPA dahil kabilang ito sa List of Exceptions na nakasaad sa FOI Manual.
Iginiit naman ni Mayo-Anda na dapat ideklarang walang bisa ang DAO 2016-29 dahil lumilikha ito ng mga bagong kategorya ng pagbubukod na hindi nakabatay sa batas at maaaring makaapekto sa karapatang pangkalikasan, panlipunan, at pang-ekonomiya ng mamamayan.
“Ultimately, DAO 2016-29 must be declared invalid, as it creates new categories of exceptions not based on existing laws or jurisprudence of the land,” pagtatapos ni Mayo-Anda.
Una nang binigyang-diin ni Pope Francis sa Laudato Si’ na tungkulin ng pamahalaan na pagtibayin ang pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan at sa mahihirap na mamamayang apektado ng pagkasira ng kapaligiran.




