2,129 total views
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV ang kahalagahan ng paggamit ng wika at pamamaraang nauunawaan ng tao sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos.
Iginiit ng santo papa na hindi mabisa ang pangangaral kung ito’y nananatiling malayo sa tunay na karanasan ng mga mananampalataya.
Sa kanyang katesismo sa Angelus sa Vatican hinggil sa Dogmatic Constitution on Divine Revelation (Dei Verbum) ng Ikalawang Konsilyo ng Vatican, tinalakay ni Pope Leo ang ugnayan ng banal at makataong dimensyon ng Banal na Kasulatan.
Ayon sa punong pastol, ang Banal na Kasulatan ay Salita ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng wikang pantao na tanda ng Kanyang paglapit at pagmamahal sa sangkatauhan.
“If an incomprehensible language is used, uncommunicative or anachronistic, it is ineffective,” ayon kay Pope Leo XIV.
Ipinaliwanag ng santo papa na ang Diyos mismo ang pumiling magsalita sa pamamagitan ng mga wikang pantao, kaya’t mahalagang igalang at unawain ang konteksto, kasaysayan, at panitikan ng mga tekstong biblikal.
Sinabi rin ng santo papa na hindi maaaring balewalain ang papel ng mga may akda ng Kasulatan, sapagkat sila ay mga kasangkapan ng Espiritu Santo.
“The words of God, expressed in human language, have been made like human discourse, just as the word of the eternal Father, when He took to Himself the flesh of human weakness, was in every way made like men,” giit ng santo papa.
Tinuran din ng Santo Papa ang mga maling paraan ng pagbasa sa Bibliya, mula sa labis na literal at fundamentalistang interpretasyon hanggang sa pagtingin dito bilang simpleng tekstong historikal lamang na nagiging hadlang sa wastong pag-unawa sa mensahe ng Diyos.
“In every age, the Church is called to re-propose the Word of God in a language capable of being embodied in history and reaching hearts,” saad ng Santo Papa.
Pinaalalahanan ni Pope Leo XIV ang lahat na ang Ebanghelyo ay hindi maaaring ikulong sa isang panlipunan na mensahe lamang, sapagkat ito ay paghahayag ng ganap at walang hanggang buhay na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo.
Hinimok ng Santo Papa ang mga mananampalataya na patuloy na magpasalamat sa Diyos sa kaloob ng Kanyang Salita at patuloy na maging malinaw na saksi ng pag-ibig ng Diyos na inihahayag ng Banal na Kasulatan.




