299 total views
Hinimok ni Caritas Manila Visayas – Mindanao Director Rev. Fr. Emerson Luego ang mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
Ayon kay Fr. Luego malaki ang naitutulong ng scholarship program ng Caritas Manila lalo na at 11 mula 20 mahihirap na probinsya sa bansa batay sa Philippine Statistics Authority ay nasa Mindanao.
Naniniwala rin ang pari na ang edukasyon ang tanging solusyon upang maiangat sa kahirapan ang nasa 12.1 milyong mahihirap sa bansa baese na rin sa survey Social Weather Station o SWS.
“Sa mga tumutulong sa YSLEP sana po ay ipagpatuloy ninyo dahil kahit ako nung makita ko yung interview ng mga kabataan even yung parents na kapag ininterview ay umiiyak. Para bang iyak sa tuwa na natulungan sila ng Caritas Manila siguro napakalaking bagay po na ipagpatuloy itong programa lalo na sa mga mahihirap dito sa Mindanao. Alam naman natin na karamihan sa mga probinsya based dun sa datos dito sa Mindanao po yung maraming mga mahihirap. Sana po ipagpatuloy nila kasi ito’y isa sa mga paraan para malutas yung kahirapan ng ating bansa,” bahagi ng pahayag ni Fr. Luego sa Veritas Patrol.
Nabatid na umaabot na sa mahigit 50 ang iskolar sa Mindanao habang 5 libo naman ang iskolar sa buong bansa.
Naging matagumpay naman ang isinagawang 4th Annual Assembly ng mga YSLEP scholars sa Mindanao.
Nauna na ring hinimok ng kanyang Kabanalan Francisco ang mga Catholic schools na maghandog ng murang tuition fees na abot – kaya ng mga mahihirap.
Batay naman sa National Catholic Education Association sa Estados Unidos tinatayang nasa 2 million estudyante ang nag – aaral mula sa 6,600 paaralan sa naturang bansa.