260 total views
Patuloy na binabantayan ng Social Action Center ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan ang maayos na pagpapatupad sa Expanded National Integrated Protected Areas System o ENIPAS bill, matapos tangkaing tanggalin dito ang limang protected areas sa Palawan.
Ayon kay Rev Fr. Jasper Lahan, SAC director, mahigpit na nagbabantay ang Simbahang Katolika katuwang ang Palawan Alliance for Clean Energy at Palawan Environmental Legal Assistance Center Inc. upang hindi manaig ang masamang balak ng mga korporasyon sa kanilang lalawigan.
“Tayo po ay laging in favor sa makakabuti sa Palawan lalong-lalo na sa environment nito, actually ine-exclude lang naman ito for the sake na i-open yung mining at kung anu pa, [dahil] napakaraming mga protected areas na maaapektuhan nito. Kaya pag ito ay napasa o kung anu pa man ito ang kinatatakutan ng marami.” Ayon kay Fr. Lahan.
Ang House Bill 6328 -Expanded National Integrated Protected Areas System ay naglalayong protektahan ang mga lugar na mapasasailalim dito sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpasok ng extractive industry tulad ng mining, logging, at coal power plant.
Ang limang lugar sa Palawan na tinangkang hindi isama sa ENIPAS bill ay ang El Nido Managed Resource Protected Area, Malampaya Sound Protected Landscape and Seascape, Mt. Matalinhaga Protected Landscape, Puerto Princesa Subterranean River National Park at Rasa Island Wildlife Sanctuary