LINGGO, MARSO 5, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,236 total reads

Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)

Genesis 12, 1-4a
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.

2 Timoteo 1, 8b-10
Mateo 17, 1-9

Second Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Genesis 12, 1-4a

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami.

Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain,
ngunit kapag sinumpa ka, sila’y aking susumpain;
ang lahat ng mga bansa pihong ako’y hihimukin,
na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din.”
Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na ang aming makamit,
O Poon ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa’yo nasasalig!

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.

IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 8b-10

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal kong kapatid:

Makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo’y maging kanyang bayan. Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang haggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:

Sa ulap na maliwanag
ito ang siyang pahayag
ang D’yos Ama na nangusap:
“Ito ang mahal kong Anak,
lugod kong dinggin ng lahat.”

MABUTING BALITA
Mateo 17, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Nguni’t nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.

At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-2 Linggo ng Kuwaresma

Sa paggunita natin sa pagba- bagong-anyo ni Hesus at sa pagpapatibay natin sa ating pangakong makinig sa kanya, idulog din natin ang mga kahilingan sa Ama para sa sanlibutang pinapangit ng mga kahirapan at pagkakasala. Manalangin tayo:

Panginoon ng liwanag at buhay, dinggin Mo kami!

Para sa buong Simbahang banal sa pakikipag-isa niya sa Panginoon, ngunit nangangailangan ng pagbabalik-loob dahil sa pagkakasala ng kanyang mga kaanib: Nawa sa paggunita ng pagbabagong-anyo ni Hesus, siya’y magsikap magpakahusay para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat nating pinuno: Nawa magtamo sila sa pagbabagong-anyo ni Hesus ng kailangan nilang lakas para harapin ang mga kahirapan sa kanilang misyon. Manalangin tayo!

Para sa mga nag-aalinlangan o nagtatatwa sa kadakilaa’t kabanalan ni Kristo: Nawa mapaniwala sila ng salaysay ng Pagbabagong-anyo na si Hesus ay Diyos na totoo at taong totoo. Manalangin tayo!

Para sa mga taong ang buhay ay nasira ng mga bisyo at ibang anyo ng pagkapariwara: Nawa sa pagbabagong-anyo ni Hesus, makahango sila ng inspirasyon at kailangang lakas para magpani- bagong buhay. Manalangin tayo!

Para sa mga kasama sa ating pamayanan na binabagabag ng mga pisikal at moral na kahirapan: Nawa ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay makatulong sa kanilang umasa sa magandang kinabukasan. Manalangin tayo!

Tahimik nating idulog ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, ipakita Mo sa amin ang maaliwalas na mukha ng Iyong Anak sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, at puspusin Mo kami ng Iyong kapayapaan, upang tapat Ka naming mapaglingkuran sa aming buhay. Amen!

ANG ARAW NI KRISTO HESUS

 195 total reads

Isang Pagninilay Tungkol sa Kinabukasan ng Sangkatauhan

Malapit na naman ang panahon ng Adbiyento. Bagama’t ilang linggo pa bago ito magsimula, nais ko nang ibahagi sa inyo ang pagninilay na ito. Maaari ninyo itong i-save muna at balikan pagdating ng Adbiyento.

Tungkol ito sa Ikalawang Pagparito ni Kristo, pero marahil ay hindi sa paraang nakasanayan nating isipin. Tungkol ito sa isang napakagandang pag-asa: ang pangarap ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang kahanga-hangang pagkatao na naghihintay pang lubusang mahayag sa ating lahat.

Ito ang bunga ng aking maagang “Coffee with Jesus” ngayong umaga, na hango sa ating unang pagbasa ngayon mula sa Filipos 1:1–11.

Paano kung ang hinihintay nating “Muling Pagdating” ni Kristo ay hindi lamang tungkol sa pagbabalik niya sa kaluwalhatian sa katapusan ng panahon? Paano kung tungkol din ito sa ganap na paglitaw ng isang bagong sangkatauhan—isang sangkatauhang lubusan nang nabago ayon sa kanyang larawan?

Ito ang pumasok sa isip ko habang pinagninilayan ko ang sinabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Dalawang beses niyang binanggit sa unang kabanata ang darating na “Araw ni Kristo Hesus” (Fil 1:6, 10). Buo ang kanyang tiwala na ang Diyos na nagsimula ng mabuting gawain sa atin ay Siya ring magdadala nito sa kaganapan pagdating ng araw na iyon.

Ano kaya ang mabuting gawaing ito na gustong tapusin ng Diyos?Sa palagay ko, may kinalaman ito sa orihinal na pangarap ng Diyos para sa sangkatauhan.

Sa Aklat ng Genesis, sinasabing nilikha ang tao ayon sa hugis at wangis ng Diyos. Ibig sabihin, nilikha tayo upang maipakita sa ating buhay ang kabutihan, karunungan, kalayaan, at pag-ibig ng Diyos.

Pero sa paglipas ng panahon, nasira natin ang larawang iyon. Sa halip na magmalasakit sa isa’t isa, natuto tayong mang-api. Sa halip na magkaisa, nagkawatak-watak tayo. Sa halip na pangalagaan ang buhay, nakagawa tayo ng mas makabago at mas malulupit na paraan ng pagpatay at pagsira nito.

Kung minsan, para na tayong mga mababangis na hayop sa pakikitungo natin sa kapwa.

Naalala ko tuloy ang isang kakaibang pangitain sa ikapitong kabanata ng Aklat ni Daniel. Nakita ni Daniel ang apat na nakakatakot na halimaw na umaahon mula sa dagat. Kumakatawan ang mga ito sa mga makapangyarihang kaharian at imperyong naghahari sa pamamagitan ng dahas, pananakop, at pang-aapi.

Pero biglang nagbago ang kanyang pangitain. May lumitaw na isang nilalang na inilalarawan bilang “isang tulad ng anak ng tao”—ibig sabihin, isang mukhang tao, hindi halimaw. Hindi tulad ng mga mababangis na hayop, ang nilalang na ito ay tumanggap mula sa Diyos ng isang kahariang hindi kailanman magwawakas.

At ito ang nakakatuwa: sa bandang huli, ipinaliwanag ni Daniel na ang kahariang iyon ay ibibigay sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos—sa bayan ng Diyos.

Hindi kaya ito isang pangitain tungkol sa sangkatauhang sa wakas ay makakabalik sa tunay nitong pagkatao? Isang mundong hindi na pinaghaharian ng mga taong asal-hayop, kundi ng mga taong marunong nang mamuhay bilang tunay na tao?

Lalong nagiging makabuluhan ang pangitaing ito kapag iniugnay natin kay Hesukristo. Tinawag ni San Pablo si Hesus na “Bagong Adan”. Ang unang Adan ay kumakatawan sa sangkatauhan sa kasalukuyan nating kalagayan—sugatan ng kasalanan, watak-watak, puno ng takot, sakop ng kamatayan, at laging natutuksong mangibabaw sa kapwa.

Pero ipinakita ni Hesus na may ibang paraan ng pagiging tao. Siya ang Anak ng Diyos na naging tao upang ipakita sa atin kung ano ang tunay na pagkataong lubusang nagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos.

At hindi niya balak na Siya lamang ang maging ganoon. Sa Unang Sulat sa mga taga-Corinto, may sinabi si San Pablo na talagang kahanga-hanga:

“Kung paanong ang katawan ay iisa ngunit binubuo ng maraming bahagi … gayundin naman si Kristo.” (1 Cor 12:12)

Pansinin ninyo. Hindi sinabi ni Pablo, “Gayundin naman ang Simbahan.” Ang sinabi niya ay “Gayundin naman si Kristo.”

Ibig sabihin, hindi lamang isang indibidwal si Kristo. Siya ang ulo ng isang katawan na binubuo ng maraming bahagi—mga taong tinawag upang makibahagi sa kanyang buhay at misyon.

Ito ang maaari nating tawaging corporate Christ, o ang Kristong may iisang Katawan na binubuo ng marami—isang sambayanang natututong mamuhay sa pagkakaisa, pagmamalasakit, at pag-ibig.

Hindi kaya ang tinatawag ni Pablo na “Araw ni Kristo Hesus” ay hindi lamang ang araw ng maluwalhating pagbabalik ng Panginoon, kundi ang araw din ng ganap na paghahayag ng kanyang buong Katawan? Ang araw na mahahayag na sa wakas ang bagong sangkatauhang unti-unting hinuhubog ni Kristo sa buong kasaysayan?

Pero paano nga ba mabubuo ang bagong sangkatauhang ito? Ibinigay ni San Pablo ang sagot sa ikalawang kabanata ng Filipos, sa kanyang napakagandang awit tungkol sa pagpapakumbaba at kusang pagbibigay ng sarili ni Kristo. Ang tawag dito sa teolohiya ay kenosis, o pag-aalis ng sarili sa sentro upang magbigay-daan sa pag-ibig.

Bagama’t taglay ni Hesus ang kalagayang maka-Diyos, hindi niya ginamit ang pagiging kapantay ng Diyos para sa sariling kapakinabangan. Sa halip, hinubad niya ang kanyang kaluwalhatian, tinanggap ang kalagayan ng isang alipin, at nagpakumbaba hanggang sa kamatayan sa krus.

At saka lamang nagsalita si Pablo tungkol sa kanyang pagdakila. Baligtad na baligtad ito sa karaniwan nating pag-unawa sa kadakilaan! Para sa atin, ang pagiging dakila ay madalas nangangahulugan ng pag-angat sa ibabaw ng iba, pagkakaroon ng maraming pera, kapangyarihan, impluwensiya, at katanyagan.

Pero ibang daan ang itinuro ni Hesus: nagiging tunay tayong dakila kapag natututo tayong ialay ang ating sarili para sa kapwa. Bago makarating ang sangkatauhan sa kaluwalhatian, kailangan muna nitong matutuhan ang pagpapakumbaba at pagbibigay ng sarili. Bago tayo makibahagi sa kaluwalhatian ni Kristo, kailangan muna nating matutuhang makibahagi sa kanyang malasakit, paglilingkod, pagdurusa, at pag-ibig na handang magsakripisyo.

Marahil ito ang pinakamalalim na kahulugan ng pagtubos.

Hindi inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagtatapon dito at paglikha ng panibagong sangkatauhan mula sa wala. Inililigtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabago sa atin mula sa kaibuturan ng ating pagkatao.

Ang lumang pagkataong pinaghaharian ng takot, kasakiman, inggitan, pag-aagawan, at pang-aapi ay kailangang magbigay-daan sa bagong pagkataong marunong makiisa, makiramay, magtaguyod ng katarungan, at magmahal.

At hindi lamang ito usaping panrelihiyon. Kahit ang mga taong hindi relihiyoso o hindi naniniwala sa Diyos ay maaaring maka-relate sa isang napakahalagang tanong na kinakaharap natin ngayon: “Anong klaseng mga tao na ba ang unti-unti nating kinahihinatnan?”

Napakalayo na ng narating natin sa teknolohiya. Pero mas naging makatao ba tayo? Kaya na nating makipag-usap sa mga tao sa kabilang panig ng mundo sa loob lamang ng ilang segundo. Pero natuto na ba talaga tayong umunawa sa isa’t isa?

Napakalaki na ng kapangyarihan natin sa kalikasan. Pero natuto na ba tayong gamitin ang kapangyarihang ito nang may pananagutan? Baka ang pinakamalaking krisis natin ngayon ay hindi lamang tungkol sa teknolohiya, ekonomiya, o pulitika. Baka ang tunay nating krisis ay ang unti-unting pagkawala ng ating pagkatao.

Ito ang dahilan kung bakit nagbibigay sa akin ng malaking pag-asa ang binibigyang-diin ni Pope Leo XIV sa kanyang Magnifica Humanitas—ang kahanga-hangang pagkataong kailangan nating muling tuklasin at linangin hanggang sa kaganapan nito.

May isang bagay na tunay na kahanga-hanga sa pagiging tao. Hindi dahil perpekto na tayo, kundi dahil kaya pa nating magbago at maging mas mabuti kaysa sa kasalukuyan nating kalagayan.
Kaya nating piliin ang malasakit sa halip na kalupitan, ang pakikipagkasundo sa halip na paghihiganti, ang pagbibigay sa halip na pagkamakasarili, at ang pakikiisa sa halip na kawalang-pakialam.

Para sa ating mga Kristiyano, si Hesus ay hindi lamang Tagapagligtas na tumutubos sa atin mula sa kasalanan at kamatayan. Siya rin ang nagpapakita sa atin kung ano ang ibig sabihin ng maging tunay na tao. At ang kanyang muling pagkabuhay ang katiyakan mula sa Diyos na ang daan ng pagmamahal at pagbibigay ng sarili, kahit mukhang mahina at talunan sa mata ng mundo, ay hindi isang daang walang patutunguhan.

Kaya para sa akin, ang “Araw ni Kristo Hesus” ay isang magandang balita ng pag-asa, hindi isang nakakatakot na babala ng parusa at kapahamakan.

Hindi ito tungkol sa pagkawasak ng mundo o sa paglipol sa sangkatauhan. Tungkol ito sa katuparan ng plano ng Diyos na iligtas at baguhin ang lahat: ang ganap na tagumpay ng buhay laban sa kamatayan, ng pag-ibig laban sa poot, ng pagkakaisa laban sa pagkakawatak-watak, at ng tunay na pagkatao laban sa lahat ng uri ng makahayop na paghahari at pang-aapi.

Siyempre, ang ganap na pagbabagong ito ay biyaya ng Diyos. Hindi natin kayang likhain ang Kaharian ng Diyos sa sarili lamang nating pagsisikap. Pero maaari na tayong makibahagi ngayon pa lamang sa bagong sangkatauhang sinimulan ni Kristo.

Sa bawat pagpapatawad, sa bawat munting gawa ng malasakit, sa bawat matapang na pagtatanggol sa dignidad ng tao, sa bawat pagsisikap na magtaguyod ng kapayapaan sa halip na maghanda para sa digmaan—unti-unti nang isinisilang ang bagong sangkatauhan.

At marahil ito ang magandang pagnilayan natin sa darating na Adbiyento. Hindi lamang tayo naghihintay sa muling pagparito ni Kristo. Hinahayaan din nating unti-unting mahubog si Kristo sa ating pagkatao, bilang mga indibidwal at bilang isang sambayanan, hanggang sa marating ng kanyang Katawan ang kaganapan nito.

Hindi nakatakdang manaig ang mga halimaw sa kinabukasan ng sangkatauhan. Tinitiyak sa atin ng pangitain ni Daniel na hindi ang mga makahayop na imperyo ang may huling salita.

Ang huling salita ay nasa Kanya na naging tao upang matamo ng sangkatauhan ang nilayon ng Diyos sa paglikha sa atin mula pa sa simula. Kaya maaari nating harapin ang kinabukasan nang may pagtitiwala, hindi nang may takot at kawalan ng pag-asa.

Dahil ang Diyos na nagsimula ng mabuting gawain sa atin ay Siya ring magdadala nito sa kaganapan “sa Araw ni Kristo Hesus.” (Fil 1:6)

UNLEARNING OLD HABITS

 203 total reads

Old habits are indeed difficult to unlearn. And nowhere is this perhaps more evident than in the way our House of Representatives continues to deal with the national budget.

In 2013, the Supreme Court declared the congressional pork barrel system unconstitutional. In Belgica v. Ochoa, it ruled against personal lump-sum allocations that legislators could use to choose their own projects, as well as formal and informal arrangements allowing them to participate in implementing the budget.

Yet, more than a decade later, pork barrel politics appears to have survived, assuming different forms and finding new ways of entering the national budget.

Why is this old habit so difficult to break?

I suspect it has much to do with our deeply entrenched politics of patronage, reinforced by political dynasties. When public projects and assistance programs become associated with the generosity of politicians rather than the rights of citizens, public funds become powerful instruments for cultivating political loyalty.

This is why I find the recent findings of the People’s Budget Coalition (PBC) and the young citizen budget-watchers of BetterGov.ph, popularly known as the “Angry Nerds,” particularly disturbing.

They have identified four categories of budget allocations vulnerable to political patronage:

1. HARD PORK — Infrastructure projects such as roads, bridges, flood control structures, and multipurpose buildings. These become vulnerable to abuse when projects are selected for political reasons rather than actual public need, or when their locations, costs, and specifications cannot be independently verified.

2. SOFT PORK — Social assistance programs, including medical, educational, and financial assistance. These are necessary programs, especially for the poor. But they become instruments of patronage when access to assistance depends on politicians’ referrals, recommendations, or endorsements, making citizens feel indebted to politicians for benefits funded by their own taxes.

3. SHADOW PORK — Funds hidden, so to speak, in less transparent budget mechanisms, particularly unprogrammed appropriations or standby funds. These may be legitimate when properly authorized and safeguarded, but they become vulnerable to abuse when their purposes and conditions for release are vague.

4. LOCAL PORK — Funds distributed to local governments through mechanisms such as the Local Government Support Fund. These can support genuine local development, but become susceptible to patronage when allocations are influenced by political connections rather than transparent and equitable criteria.

These are categories of risk identified by budget watchdogs, not proof that every project or program is corrupt.

According to PBC’s preliminary analysis of the House-approved 2027 budget, nearly 7,000 infrastructure projects worth approximately ₱190 billion were added without publicly available supporting project documents. Around ₱172 billion of these additions involved nearly 6,200 DPWH projects.

The House leadership objects to calling these additions “insertions.” They insist that Congress has the constitutional power to introduce amendments to the President’s National Expenditure Program.

Of course it does! Nobody is questioning Congress’s power to scrutinize and amend the proposed budget.

But the power of the purse is not an unlimited power to distribute public funds according to political discretion.

The Constitution gives the President the responsibility to prepare and submit the national budget, Congress the responsibility to deliberate and authorize appropriations, and the Executive the responsibility to implement the approved budget.

In Belgica v. Ochoa, the Supreme Court made clear that legislators cannot be given personal discretionary allocations or exercise executive powers over the implementation of projects. It even prohibited informal arrangements that have substantially the same effect.

And just this October, the Supreme Court again emphasized constitutional limits on congressional budget powers, ruling against increases in appropriations that exceeded the President’s recommended total and invalidating certain provisions governing unprogrammed funds.

These rulings do not mean that every congressional amendment or lump-sum appropriation is unconstitutional. But they remind us that the power to amend is subject to constitutional safeguards.
This is why the PBC findings demand serious examination.

Were these additional projects independently evaluated by the implementing agencies? Who proposed them? What needs assessments and cost estimates justify them? Were legislators effectively given predetermined allocations to distribute among their districts?

And if so, how different would that be, in substance, from the old pork barrel arrangements that the Supreme Court already prohibited?

I am not suggesting that every congressional amendment is corrupt. Many communities genuinely need roads, schools, hospitals, irrigation systems, and social assistance. But precisely because these needs are real, they should never become instruments of political patronage.

The Senate now has an opportunity—and a responsibility—to demand full disclosure of the proponents, locations, technical specifications, costs, and justifications of the House-added projects. Those that cannot be adequately justified should be removed. If questionable items survive Congress, the President must seriously consider exercising his constitutional veto power.

The Executive, too, must explain whether its own agencies have technically evaluated these additions. It cannot simply defend them on the assumption that they might benefit the public.
Above all, we need to dismantle the culture of patronage that keeps resurrecting pork barrel politics under different names.

Public funds are not the personal generosity of politicians. They are the people’s money, entrusted to public officials for the common good.

Perhaps this is the old habit we most urgently need to unlearn: treating public office as a means of dispensing favors, instead of a responsibility to serve citizens fairly.

I am grateful to the People’s Budget Coalition and the “Angry Nerds” for helping us see what is happening to our national budget. Their work reminds us that democracy requires more than elections. It requires informed citizens who continue to watch over how their government exercises power.

As they remind us:

“Buwis natin ’to. Boto natin ’to. Budget natin ’to.”

It is time to unlearn the politics of patronage—and relearn the politics of public service.

SINO ANG KALABAN?

 208 total reads

Homiliya para sa Huwebes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon

Oktubre 29, 2026
Efeso 6:10–20; Lucas 13:31–35

Ang eksenang parang bumalik sa alaala ko na parang hawig sa eksena sa ating Ebanghelyo ngayon ay noong apostolic visit ni Pope Leo XIV sa Algeria, sa Africa. Habang nasa eroplano, tinanong siya ng mga international press people tungkol sa reaksyon niya sa mga sinabi laban sa kanya ni President Donald Trump.

Bago kasi iyon, binatikos ni President Trump ang Santo Papa, mahina daw ang Papa sa usapin ng kriminalidad at foreign policy. “Dagdag pa niya, “Leo should get his act together as Pope… and focus on being a Great Pope, not a Politician.”

Bakit? Dahil patuloy na nananawagan ang Santo Papa na itigil ang mga digmaan at humanap ng mapayapang paraan ng paglutas sa mga hidwaan.

Ano ang sagot ni Pope Leo kay Trump? “I have no fear of the Trump administration.” Pero nilinaw niya, “I am not a politician, and I do not want to enter into a debate with him.”

Parang ganiyan din ang eksena sa ating Ebanghelyo.

May ilang Pariseong lumapit kay Jesus at nagbabala: “Umalis ka na rito! Binabalaan ka ni Herodes!” Ano ang sagot ni Jesus? “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon: patuloy akong magpapalayas ng mga demonyo at magpapagaling ng mga maysakit ngayon at bukas at sa ikatlong araw.”

Ibig sabihin, hindi ako magpapadala sa mga batikos at pananakot niya. Hindi ako titigil sa aking misyon. Ganiyan din ang paninindigan ni Pope Leo bilang apostol ng kapayapaan sa ating panahon.

Tumitindi na naman ngayon ang mga giyera at armadong sagupaan ng mga makapangyarihan bansa sa mundo ngayon. Parang bumabalik na naman ang kaisipang “Might is right.” Kung sino ang mas malakas, siya ang masusunod. Matira ang matibay!

Habang lumalaki ang mga badyet para sa militar at pag-aarmas, marami ang nangangambang napapabayaan ang mga esensyal na serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan. Kaya nagpoprotesta ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan, sa ilang bansa sa Europa.

Pero dito pumapasok ang magandang paalala ni San Pablo sa ating unang pagbasa.

“Ang pakikipaglaban natin ay hindi laban sa laman at dugo.” Hindi tao ang tunay nating kalaban, kundi ang mga kapangyarihan ng kadiliman, ang mga puwersa ng kasamaan.

Madalas kong sabihin: wala namang taong likas na masama. Pero may mga taong nagpapadala sa masamang espiritu—sa kasakiman, galit, takot, paghihiganti at pagkauhaw sa kapangyarihan. At kapag nagpadala tayo sa mga espiritung ito, ang tingin natin sa kapwa ay kalaban na dapat talunin, patahimikin, o lipulin.

Kaya napakahalagang maging spiritually intelligent. Ang tawag dito ay discernment—ang kakayahang kumilatis kung anong espiritu ang kumikilos sa ating puso, sa ating mga desisyon, at maging sa mga batas at patakaran sa ating lipunan.

Kaya nga sabi ni San Pablo, isuot natin ang baluti (armor) ng Diyos: katotohanan, katarungan, pananampalataya, at ang Ebanghelyo ng kapayapaan.

Pansinin ninyo: hindi mga sandatang pamatay ang ipinadadala sa atin ni San Pablo, kundi mga ispiritwal na sandatang panlaban sa kasamaan.

Mga kapatid, hindi natin kailangang kamuhian ang tao para labanan ang kasamaan. Maaari nating tutulan ang mali nang hindi kinamumuhian ang gumagawa nito. Maaari tayong manindigan sa katotohanan nang hindi nagiging marahas.

Kaya sa tuwing may haharapin tayong labanan, itanong natin: Sino ba talaga ang kalaban ko? Ang taong kaharap ko? O ang masamang espiritung gustong maghari sa puso naming dalawa?

Dahil ang tunay na tagumpay ng Kristiyano ay hindi ang pagkawasak ng kalaban, kundi ang pagkatalo ng kasamaan at ang pagkapanalo ng kabutihan sa puso ng tao, sa ating mga ugnayan, mga pamayanan at mga kalakarang panlipunan at pandaigdigan.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

GUILTY?

 41,567 total reads

 41,567 total reads Nakatanggap ang House prosecution panel ng ulat mula sa social media na maaring humingi ng “compromise agreement” ang defense panel ni VP Sara

Read More »

Bunga ng araw-araw na karahasan

 75,694 total reads

 75,694 total reads Mga Kapanalig, nitong mga nakaraang linggo, nagkaroon ng malawakang kilos-protesta sa mga bansa sa Europa gaya ng France, Italy, Spain, at Portugal. Ilan

Read More »

Umaalis ang mga nars

 132,100 total reads

 132,100 total reads Mga Kapanalig, may ganitong tanong sa isang sikat na kanta: “Napakaraming nars dito sa amin, ngunit bakit tila walang natira?” Ang sagot? “Nag-a-abroad

Read More »

MADALDAL KULANG SA GAWA

 253,620 total reads

 253,620 total reads Kapanalig, magaling itong si Department of Interior and Local Government secretary Jonvic Remulla. Sa press release lalu na sa pagsasalita sa media, magaling

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Nobyembre 1, 2026

 723 total reads

 723 total reads Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal Pahayag 7, 2-4. 9-14 Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6 Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa

Read More »

Sabado, Oktubre 31, 2026

 2,957 total reads

 2,957 total reads Sabado ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Filipos 1, 18b-26 Salmo 41,

Read More »

Biyernes, Oktubre 30, 2026

 5,100 total reads

 5,100 total reads Biyernes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Filipos 1, 1-11 Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6 Gawa’y napakadakila ng Panginoong Lumikha. Lucas 14,

Read More »

Huwebes, Oktubre 29, 2026

 7,607 total reads

 7,607 total reads Huwebes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Efeso 6, 10-20 Salmo 143, 1. 2. 9-10 Ang Poon ay papurihan, siya ang aking

Read More »

Miyerkules, Oktubre 28, 2026

 10,730 total reads

 10,730 total reads Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas Efeso 2, 19-22 Salmo 18, 2-3. 4-5 Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top