11,499 total views
Hinimok ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang mga mananampalataya at deboto ng Nuestra Señora del Santísimo Rosario – Reina del Caracol na “makinig sa musika ng Diyos” at isabuhay ang pag-ibig ni Hesus sa araw-araw na pamumuhay.
Sa kanyang homiliya sa ginanap na canonical coronation ng imahe ng Reina del Caracol, ipinaalala ng Nuncio na ang pananampalataya ay dapat maging buhay, masigla, at puspos ng kagalakan — tulad ng sayaw ng caracol na alay ng mga taga-Rosario sa Mahal na Birhen.
“Let us allow the music of God to inspire us. Let’s dance with the love of God. We need to listen to the music of God, the grace and love of Jesus, and let our lives move to that rhythm,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Binigyang-diin ng nuncio na si Maria ang “bagong Kaban ng Tipan,” ang buhay na sisidlan ng Diyos sapagkat sa kanya ipinaglihi si Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
“Mary is the new Ark of the Covenant, the living vessel who carried within her the presence of God,” dagdag ng Nuncio.
Pinuri rin ni Archbishop Brown ang matatag na debosyon ng mga taga-Rosario sa Mahal na Birhen sa pamamagitan ng caracol, isang uri ng sayaw-pananalig na sumasagisag sa pagdiriwang ng pananampalataya.
“Our lives are a dance — a joyful dance, a caracol offered to God. Your town is known as the town of the Rosary, and it gives me so much joy to be part of this wonderful celebration,” aniya.
Samantala, binigyang-diin naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa kanyang mensahe na ang pagkorona sa imahe ng Reina del Caracol ay patunay ng pagkilala ng Santo Papa sa malalim at matatag na pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Cardinal Advincula, si Maria ay huwaran ng kababaang-loob at ng isang simbahan na nakikinig, nagkakaisa, at naglalakbay nang sama-sama sa kabila ng mga hamon.
“Mary is the model of what it means to be a synodal church. She is the first disciple, the first to say yes, the first to listen, to ponder, to trust. Mary never ceases to open doors, build bridges, break down walls, and help humanity to live in peace and in harmony, in the harmony of diversity,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Hinikayat ng arsobispo ang mga mananampalataya na patuloy magbuklod bilang simbahang sinodal, na nakikinig hindi lamang sa Diyos kundi maging sa mga tinig ng mahihirap at mga inaapi.
“Let us listen first to God, to one another, especially to the voices often unheard — the poor and the abandoned. The best coronation of our Blessed Mother happens in our hearts whenever we listen to her Son, Jesus,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Ang imahe ng Nuestra Señora del Santísimo Rosario – Reina del Caracol ay opisyal na kinilala ng Vatican bilang ika-61 imahe sa Pilipinas na ginawaran ng canonical coronation — patunay ng bansag na Pueblo Amante de María o “Bansang Mapagmahal kay Maria.”
Dumalo sa makasaysayang pagdiriwang sina Bishop Pedro Arigo, Borongan Bishop Crispin Varquez, at mga pari mula sa Diocese of Imus at kalapit na mga diyosesis.
Katuwang ng nuncio sa pagputong ng korona si Imus Bishop Reynaldo Evangelista habang sina Cardinal Advincula at Bishop Arigo naman ang naglagay ng rosaryo sa imahe.
Pinangunahan ni Fr. Teodoro Bawalan, kura paroko at rector ng dambana, ang mga paghahanda at ang sama-samang pasasalamat ng mga deboto. Nagdiwang naman ang buong pamayanan ng Rosario sa natamong biyaya at pagkilala ng kanilang patrona.




