83,450 total views
Mga Kapanalig, inilabas na ng lahat ng 24 na senador ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN). Ang SALN ay isang sinumpaang dokumento kung saan nakasaad ang mga ari-arian o assets (katulad ng bahay, negosyo, at sasakyan) at mga utang o liabilities ng mga nasa gobyerno. Ang kabuuang net worth ay makukuha kapag ibabawas ang halaga ng liabilities sa halaga ng assets. Dapat ding nakalahad sa SALN ang mga kamag-anak sa gobyerno, gayundin ang mga interes sa mga pribadong negosyo.
Ayon sa Civil Service Commission, layunin ng pagsusumite ng SALN na itaguyod ang transparency sa civil service. Nagiging panangga ito laban sa iligal na pagkamal ng yaman gamit ang posisyon sa gobyerno. Nagsisilbi itong instrumento para matukoy ang di-maipaliwanag na yaman, biglaang pagdami ng ari-arian, at mga conflict of interest ng isang kawani ng pamahalaan.
Noong 2020, nilimitahan ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pagsasapubliko ng SALN. Kailangan daw munang may notarized letter of authority mula sa opisyal bago ilabas ang dokumento. Dahil dito, halos imposibleng makuha ng publiko at ng media ang mga kopya ng SALN. Pero muling nabuhay ang panawagan para sa transparency kasabay ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects at ng utos ni Pangulong BBM na magsagawa ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno.
Batay sa mga inilabas na SALN ng mga senador, si Senador Mark Villar ang pinakamayaman na may net worth na 1.2 bilyong piso. Si Senator Chiz Escudero naman ang may pinakamababang net worth na umabot sa 18.8 milyong piso. (Naniniwala ba kayo, mga Kapanalig?) May ilang senador naman na itinago ang pangalan ng mga kumpanyang konektado sa kanila, bagay na nagpapahirap sa pagsususri kung tama o hindi ang isinapublikong yaman ng mga mambabatas.
Kumpleto man o hindi ang mga SALN, ang malinaw, napakalaki ng agwat ng kalagayan sa buhay ng mga pulitiko at ng kanilang mga pinaglilingkuran. Ayon sa Social Weather Stations (o SWS), halos kalahati ng mga pamilyang Pilipino (o 49%) ang nagsabing “mahirap” sila. Sa isang bansa kung saan maraming hiráp makaraos, iskandalo talagang makita ang mga halal na opisyal na may milyun-milyon o bilyun-bilyong pisong net worth. Malalaman pa nating damay ang ilang senador sa kontrobersya ng flood control projects. Inirekomenda nga noong isang linggo ng Independent Commission for Infrastructure (o ICI) sa Office of the Ombudsman na sampahan ng kasong plunder sina Senador Joel Villanueva at Senador Jinggoy Estrada.
Sa mga nangyayari ngayon, kailangang patunayan ng gobyerno na karapat-dapat itong pagkatiwalaan ng taumbayan. Ayon kay Gabriela Representative Sarah Elago, dapat maging mas proactive ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na ang presidente at bise presidente, sa paglalabas ng kanilang SALN. Sinasabi rin nga sa Kawikaan 10:9, “ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan, ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.” Dapat itong magsilbing gabay sa mga pinuno na sa kanilang katapatan nakasalalay ang tiwala ng taumbayan. Public service is a public trust, ‘ika nga.
Sinasabi pa sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan na napoproteksyunan ang mga tiwali kapag walang transparency at kapag ang mga ginagawa ng pamahalaan ay hindi tunay na nakabatay sa batas at katarungan. Kaya tayo rin sa Simbahan ay kasama sa panawagang patatagin ang mga mekanismo ng pananagutan sa ating gobyerno, kasama na rito ang pagsasapubliko sa yaman ng mga inihalal natin.
Mga Kapanalig, ang landas tungo sa tunay na transparency sa gobyerno ay hindi dapat matapos sa paglalabas lang ng mga SALN. Kung walang pagsusuri at pagbabantay ng publiko, mananatiling laganap ang katiwalian at kasinungalingan, at tayong mga Pilipino ang talo sa huli.
Sumainyo ang katotohanan.




