2,690 total views
Nagpapasalamat si San Fernando La Union Bishop Daniel Presto sa ibat-ibang Faith-based groups at sangay ng pamahalaan na patuloy ang pagtugon sa Bagyong Uwan sa pananalasa nito ngayon sa Pilipinas.
Hinimok ng Obispo ang mga Pilipino na panatiligin ang kalakasan ng loob kabila ng pananalasa ng bagyo at maging bukal ang loob sa pagtulong sa mga apektadong mamamayan.
“Medyo malakas pa ang hagupit ng hangin dito sa San Fernando City, La Union, sa mga Kapatid nating nasalanta ng bagyong Uwan maging ng bagyong Tino ay panatilihin natin ang pananalangin, tibay ng loob, at pananampalataya sa Poong Maykapal, ang pagtutulungan sa isa’t isa ay panatilihin natin, ating pasalamatan ang iba’t ibang sangay ng ating gobyerno, mga faith -based groups, at iba’t ibang organizations na walang-sawang tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo,” ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Presto sa Radyo Veritas.
Dalangin naman ni Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco ang pamamayani ng kawanggawa at pagtutulungan ngayong panahon ng kalamidad.
Maari ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain, pinaglumaang damit at pagsasabuhay ng ‘Spirit of Volunteerism’ upang maipaabot ang tulong sa mga pinaka-naapektuhan ng kalamidad.
Panalangin din ni Bishop Ongtioco ang muling pagbangon ng mga naapektuhan ng magkakasunod na bagyo upang maipagpatuloy ang maayos at may dangal na pamumuhay.
PANALANGIN ni Bishop Ongtioco:
“Mapagmahal naming Ama gawin mo po ang aming mga puso katulad ng Anak mong si Jesus puno ng pagibig laging hinahanap kami at gumagawa ng paraan upang sa tulong ng iyong biyaya maianggat namin ang aming kapwa, Bigyan mo po kami ng magandang panahon upang makabangon po kami sa mga nakaraang kalamidad at nawa’y sama sama kaming maglakbay at magtulungan sa buhay na ito, Sa tulong ng aming mahal na Ina nawa’y mailapit kami sa kanyang Anak na si Jesus. Amen.” ayon naman sa panalangin na ipadana ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.




