30,794 total views
Nanawagan si Quezon for Environment (QUEEN) convenor Fr. Warren Puno na huwag lamang ituon sa mga flood control projects ang pagtugon sa mga kalamidad, kundi siyasatin at tugunan ang pinagmumulan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan na nagdudulot ng mas matinding epekto ng climate change.
Ayon kay Fr. Puno, ang sunod-sunod na malalakas na bagyo at malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay patunay ng lumalalang krisis sa klima, na higit pang pinapalala ng hindi makatarungang paglapastangan sa mga kabundukan at kagubatan kapalit ng pag-unlad.
“Ang panawagan natin ay hindi lang siyasatin ang flood control, kundi alamin ang tunay na dahilan ng pagbaha. At ito ay walang iba kundi ang patuloy na pagkasira ng kabundukan. Kaya’t kung bakit malalakas ang mga bagyo at malalawak ang pagbaha ay dahil na rin sa climate change,” pahayag ni Fr. Puno sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang-diin din ng pari na kailangang ihinto na ang mga gawaing nagpapalala sa climate crisis, tulad ng patuloy na pagtatayo at pagsuporta sa mga coal fired power plant na gumagamit ng fossil fuel.
Bagamat nakatutulong ito sa pagkakaroon ng suplay ng kuryente sa bansa, ang maruming usok mula rito ay nagdudulot naman ng panganib sa kalusugan sa mga apektadong pamayanan.
Hinimok ni Fr. Puno ang pamahalaan na pag-aralang muli ang patuloy na paggamit ng fossil fuel at isaalang-alang ang ganap na paglipat sa malinis at ligtas na renewable energy.
“So, ‘yun ‘yung ating panawagan sa pamahalaan na muling pag-aralan kung talagang kailangan at kailangan na ba talaga nating mag-switch sa renewable energy,” ayon kay Fr. Puno.




