1,339 total views
Mga Kapanalig, pakiramdam niyo rin ba na parang hindi na nawawala ang init mula umaga hanggang gabi? Kung hiráp na tayo sa panahon ngayon, mas titindi pa ito ayon sa mga eksperto dahil sa inaasahang Super El Niño sa mga susunod na buwan.
Ang El Niño ay isang natural na climate pattern na nagsisimula sa pag-init ng tubig sa Pacific Ocean. Kapag lumampas sa 2°C ang pagtaas ng sea surface temperature, tinatawag na itong “Super” El Niño. Kapag nangyari ito, maaari itong magdulot ng matinding tagtuyot at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Bagamat natural ang El Niño, pinapalalâ ito ng climate change. Habang umiinit ang mundo, mas tumitindi rin ang ilang epekto nito gaya ng mas matitinding heatwaves, mas matagal na tagtuyot, at mas pabagu-bagong panahon.
Karaniwang nangyayari ang Super El Niño kada 10 hanggang 15 taon. Sa bawat pagdating nito, bilyong piso ang halaga ng nawawala sa ekonomiya at agrikultura. Ayon sa mga projections, maaaring umabot sa 286.8 bilyong piso ang halaga ng posibleng pinsala ng Super El Niño sa bansa. Ayon sa Philippine Movement for Climate Justice (o PCMJ), maaaring ito na ang pinakamalakas na El Niño ngayong siglo.
Isa sa pinakamatinding tatamaan ay ang produksyon ng pagkain, lalo na ang bigas. Sa Super El Niño, humihina ang habagat at bumababa ang suplay ng tubig sa mga dam. Ang mga dam na ito ang nagsusuplay ng irigasyon sa maraming probinsya sa Luzon na bumubuo ng halos kalahati ng rice production sa bansa.
Malaki rin ang epekto nito sa pangingisda. Kapag umiinit ang dagat, bumababa ang oxygen na kailangan ng mga isda at iba pang lamang-dagat para mabuhay. Ang resulta, liliit ang huli at bababa ang produksyon sa aquaculture. Matagal nang nagbababala ang mga climate justice groups na ang ganitong kondisyon ay direktang banta sa seguridad sa pagkain at kabuhayan.
Dahil magdudulot ang Super El Niño ng pabagu-bagong panahon, katulad ng matinding init na sinusundan naman ng malalakas na bagyo at pagbaha, mahihirapan ang mga magsasaka at mangingisda na magplano ng kanilang kabuhayan.
Ano ang tugon ng pamahalaan? Ayon sa Department of Agriculture, isinusulong nito ang paggamit ng drought-resistant crops, pagbabago ng planting calendar, pagtatayo ng solar-powered irrigation, at pakikipag-ugnayan sa National Irrigation Administration.
Hindi pa sapat ang mga ito para sa ilan. Ang Super El Niño ay paalala na kailangang baguhin ang ating food system. Sa matagal na panahon, masyadong nakaasa ang bansa sa bigas. Kapag bumagsak ang produksyon, buong bansa ang apektado. Dahil dito, importanteng tumuon ang gobyerno sa crop diversification. Dapat din isama sa pagpaplano ang agrikultura at pangingisda, dahil magkaugnay ang mga ito sa seguridad sa pagkain at kabuhayan.
Ayon kay yumaong Pope Francis, ang pinakamahihirap ang pinakamalubhang naaapektuhan ng climate change dahil nakasalalay ang kanilang kabuhayan sa likas na yaman katulad ng pagsasaka at pangingisda. Ang climate crisis ay hindi lamang usapin ng environmental change kundi usapin din ng social inequality. Mas malaki ang epekto nito sa mga komunidad na pinakamaliit ang ambag sa pag-init ng mundo, pero sila naman ang unang tinatamaan at huling nakababangon.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Awit 24:1, “Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.” Bilang mga katiwala ng sangnilikha, may tungkulin tayong pangalagaan hindi lamang ang kalikasan, kundi lalo na ang mga taong pinakaapektado ng pagkasira nito. Ang parating na Super El Niño ay dapat magsilbing wake-up call sa pamahalaan upang tutukan ang pangmatagalang solusyon sa mga problema sa sektor ng agrikultura. At higit sa lahat, isa itong panawagan para sa mas makatarungang pamamahala na hindi iniiwan ang mahihirap sa gitna ng krisis.
Sumainyo ang katotohanan.






