360 total views
Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng bagong Hemodialysis Building ng National Kidney and Transplant Institute o NKTI sa Quezon City upang mas maraming pasyenteng may sakit sa bato ang mabigyan ng libreng at dekalidad na dialysis.
Sa pagbisita ng Pangulo sa proyekto, sinabi nitong kailangang mapabilis ang konstruksyon dahil patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong may chronic kidney disease at lumalaki ang pangangailangan sa dialysis treatment.
Kapag natapos ang 13-palapag na gusali, ito na ang pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia na may 200 makabagong dialysis machines, Malasakit Center, operating rooms, pharmacy, at iba pang pasilidad para sa mga pasyente at healthcare workers.
“Ito kasi ay malaki ang pangangailangan sa ating populasyon dahil ang kanilang statistic, over 11% ng mga Pilipino ay may chronic kidney disease kaya’t kailangang pagtibayin natin at palawakin natin ang ating serbisyo para sa pag-treat ng CKD at ito ay magiging, pagkatapos nito, ay ito ang magiging pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia,” ayon sa pahayag ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, binago ng pamahalaan ang sistema ng pagpopondo sa proyekto upang mapabilis ang pagtatayo nito. Sa halip na paunti-unting ilabas ang pondo, buong budget na ang inilaan upang sabay-sabay na maisagawa ang iba’t ibang bahagi ng konstruksyon.
Target ng pamahalaan na magbukas ang bagong dialysis center sa unang bahagi ng 2028.
Kasabay nito, sinabi rin ng Pangulo na pinalawak na ng PhilHealth ang benepisyo para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis at paiigtingin pa ng pamahalaan ang mga programa upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng sakit sa bato sa bansa.
“At bukod sa pasilidad na ito, pinapalawak pa rin natin ang suporta, dagdag benepisyo para sa mga CKD patients. Itinaas na ng Philhealth ang saklaw ng hemodialysis package mula sa 90 hanggang 156 na session. Itinaas na rin ng Philhealth ang benefit package mula sa dating 4,000 pesos, ngayon 6,350 bawat session. Tumaas na rin ang rate ng Z benefit package para sa Peritoneal Dialysis na kasalukuyan na aabot sa 389,640 pesos hanggang 500,140 kada taon para sa mga adults. At mula sa 510,000 hanggang 1.2 million naman para sa mga batang pasyente,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang chronic kidney disease (CKD) ay nananatiling isa sa mga pinakakaunting natutukoy na sakit sa bansa, kung saan tinatayang halos 13 milyong Pilipino ang nanganganib na magkaroon ng gantitong uri ng sakit.
Tinatayang 11.2 porsiyento ng populasyon, o humigit-kumulang 12.94 milyong Pilipino, ang apektado o nasa panganib na magkaroon ng CKD.
Madalas na inuugnay ang sakit sa bato sa iba pang karaniwang malalang karamdaman tulad ng diabetes at altapresyon, na kabilang sa mga sakit na may kaugnayan sa puso, bato, at metabolismo.




