1,482 total reads
Nananawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa Senado at Kamara na agad linawin ang mga panukalang batas para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections.
Ito ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, lalo’t nalalapit na ang nakatakdang pagsimula ng filing of candidacy sa September 25.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas sinabi ni Laudiangco na may mga panukala sa Senado at Kamara na magpapalawig sa termino ng kasalukuyang barangay at SK officials mula apat na taon tungo sa limang taon.
“Kaya po ito yung aming magalang na paghiling sa Senado at sa House of Representatives dahil nga po hindi pwedeng huminto ang Comelec sa aming paghahanda, timeline. September 25 po hanggang October 5 filing na ng COC ‘yan. Eh pag wala pong bagong batas, itutuloy po namin ang lahat ng activities at lahat ng aming mga paghahanda po,” ayon kay Laudiangco sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Sakaling maisabatas, sa 2028 na gaganapin ang susunod na Barangay at SK Elections at isasabay na ito sa regular na halalan.
Paglilinaw pa ng Comelec na hindi nito maaaring ihinto ang paghahanda para sa halalan hangga’t wala pang bagong batas na umiiral.
Kabilang sa maaaring hindi na magamit ang ilang election materials, gaya ng computerized voters list, na kailangang baguhin kung magkakaroon ng panibagong voter registration.
Gayunman, sinabi ng Comelec na karamihan sa mga na-procure nang election materials ay maaari pa ring gamitin sa susunod na halalan.
“Nagagamit naman po natin ‘yan, hindi po ‘yan nasasayang. So sa bisa po ng pag-uutos ng Comelec, yung mga balota na i-imprinta, kahit na nakalagay pa diyan November 2, kahit iba pa yung petsa, gagamitin po natin para hindi masasayang,” ayon kay Laudiangco.
May ilang materyales lamang, gaya ng indelible ink at tamper sealers, na may limitadong shelf life kaya hindi muna ipinapadala sa mga lugar ng botohan upang maiwasang masayang.




