1,788 total reads
Dumalo sa pagtitipon sa Roma ang Sanlakbay priest ng Archdiocese of Manila kasama ang kinatawan mula sa Latin America at Caribbean, kasama ang mga kalahok mula Africa,Europe, at Asya upang talakayin ang mas epektibong pagtugon sa pagkalulong sa droga at kriminal na recruitment ng mga kabataan.
Kabilang sa naging kalahok sa pagtitipon si Fr. Roberto Dela Cruz ng Archdiocese of Manila ng Sanlakbay Para sa Pagbabagong Buhay.
Batay sa kanyang karanasan, sinabi ni Fr. Dela Cruz na mahalagang tingnan ang taong nalulong hindi lamang bilang may problema sa droga kundi bilang isang taong nangangailangan ng pag-unawa, pagtanggap at pagkakataong magbagong-buhay.
Naging mahalaga sa kanyang pananaw ang sarili niyang karanasan dahil bago siya nagbagong-buhay, nasangkot din siya sa paggamit at pagbebenta ng droga at ilang ulit na nakulong.
Para kay Fr. de la Cruz, hindi sapat ang pagtigil sa paggamit ng droga. Sa halaip ay kailangan ding maibalik ang tiwala sa sarili, ugnayan sa pamilya at dignidad ng tao upang maging ganap ang pagbabago.
Ang Sanlakbay para sa Pagbabagong Buhay ay isang komprehensibong programa sa rehabilitasyon na nakabase sa komunidad at parokya na inilunsad ng Archdiocese of Manila noong Oktubre 23, 2016 sa ilalim ng pamumuno ni Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ang community based-drug rehabilitation ang tugon ng simbahan laban naman sa ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan libo-libo ang naitalang nasawi.
Isinasagawa ang pagtitipon mula August 25 hanggang 27 ang international dialogue na nakatuon sa prevention, recovery at pagbabalik ng mga taong nalulong sa droga sa komunidad.
Pinangunahan ang pagtitipon ng CELAM, Pontifical Commission for Latin America at Inter-American Drug Abuse Control Commission ng Organization of American States o OAS.
Layunin ng pagpupulong na palakasin ang pagtutulungan ng Simbahan, pamilya, pamahalaan at komunidad sa pagprotekta sa mga kabataan laban sa droga at mga grupong kriminal.
Binigyang-diin ng mga kalahok na hindi sapat ang paggamot lamang sa addiction, kundi ay mahalaga rin ang muling pagbuo ng tiwala sa pamilya, pagkakaroon ng trabaho at pagbabalik ng isang tao sa komunidad.
Magtatapos ang pagtitipon sa pakikipagpulong ng mga kalahok kay Pope Leo XIV, kung saan ilalahad ang kanilang mga rekomendasyon at mga susunod na hakbang.




