724 total reads
Pinalawig ng Caritas Manila ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang simbahan at institusyon upang higit na maiparating ang kinakailangang tulong sa mga Pilipinong nasasalanta ng iba’t ibang uri ng kalamidad.
Sa pakikipag-ugnayan sa Diocese of Antipolo Social Action Center, nakapagpadala na ang Caritas Manila ng mga relief bags sa Mary The Queen Parish sa Taytay, Rizal ngayong linggo.
Nakatakda rin ang panibagong relief operation bukas sa Christ the King Parish sa Muzon, Taytay, Rizal.
Ngayong araw naman ay natapos ang relief operation sa San Lorenzo Ruiz Parish sa Taytay, Rizal, kung saan umabot sa 100 pamilya ang naging benepisyaryo. Kabilang dito ang mga pamilyang lubhang naapektuhan ng magkakasunod at malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat nitong mga nakalipas na linggo.
Naglalaman ang mga relief pack ng mga pangunahing suplay ng pagkain tulad ng bigas, noodles, at mga delata na agarang kailangan ng mga apektadong pamilya, partikular ng mga nananatili sa evacuation centers.
Hinimok ni Father Jun Suriben Jr., Director ng Antipolo Social Action Center, ang publiko na ipagpatuloy ang pagtulong at pagbabahagi ng biyaya sa mga nangangailangan, lalo na sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad kasunod ng pagpaparating ng pasasalamat sa Megawide Foundation, Caritas Manila, Radio Veritas, at iba pang katuwang sa isinagawang relief operation para sa 100 pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa San Lorenzo Ruiz Parish.
Binigyang-diin ng pari na ang pagbabahagi ng tulong, gaano man kaliit, ay paraan upang maipadama sa mga nangangailangan ang pagkalinga at pagmamahal ng Diyos dahil ayon kay Father Suriben, ang pagtulong sa kapwa ay nagsisilbing konkretong pasasalamat sa Diyos para sa mga biyayang natatanggap ng bawat isa kaya hinikayat niya ang publiko na patuloy na maging bukas-palad at magbahagi sa mga nangangailangan, upang maging daluyan ng biyaya at kabutihan sa kapwa.
“We pray na kayo po ay nasa magandang kalusugan. We pray, magpipray po kami para sa inyo, mapalapit pati sa Panginoon upang sa ganoon ay mas marami po kayong matutulungan sa inyo po dito po sa kahirapan. Maraming salamat din po kay Father Miloy Dilara, bilang kura dito po sa parokya po na ito, and others na tumulong, auxiliaries, maraming maraming salamat po,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Suriben.
Samantala, hinikayat ni Fr. Caster Von Calipes, PSDP, Assistant Parish Priest at Parochial Social Service Development Minister ng San Lorenzo Ruiz Parish, ang mga mananampalataya na matutong magbahagi ng kanilang mga biyaya, lalo na sa mga higit na nangangailangan, ayon kay Fr. Calipes, mahalaga ang pagbabahagi dahil sa pamamagitan nito ay naipapadama sa mga nangangailangan ang pagkalinga, pagmamahal, at pag-aaruga ng Diyos.
Binigyang-diin din ng pari na ang pagtulong sa kapwa, kahit sa maliit na paraan, ay isang konkretong pagpapakita ng pasasalamat sa Diyos para sa mga biyayang natatanggap habang nagpaabot naman si Fr. Calipes ng pasasalamat sa mga nagbigay ng suporta at sponsorship, gayundin sa Caritas Manila at iba pang katuwang na tumulong upang maisagawa ang relief operation sa kanilang parokya.
“Yes po, napakalaga at importante itong pagbabahagi ng biyaya, na kung saan sa pagbabahagi natin ng biyaya, ito’y naipapadama natin yung pagkalinga, pagmamahal, at pag-aruga ng Diyos sa kanila. Na kung saan ito po yung kongkreto na pagpapakita ng pasalamat din sa mga biyayang natanggap natin sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga biyaya, lalong-lalo na doon sa mga nangangailangan. Kaya mahalaga po na lahat po ay matuto tayong magbigay. Kahit sa konting pamamaraan, ang mahalaga ay nagbahagi tayo at nagbigay sapagkat ang pagbabahagi at pagbibigay ay sa konkretong pasasalamat sa Diyos na siyang ibinabahagi natin sa kapwa,” ayon naman sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Calipes.
Bahagi ang relief operation sa patuloy na pagtugon ng Caritas Manila at mga katuwang nitong social action centers at parokya sa pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng kalamidad.
Sa pamamagitan ng mga relief operation, naipararating ang agarang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng suporta matapos ang pagbaha at matinding pag-ulan.
Samantala, nakatakda namang ipagpatuloy ang pamamahagi ng tulong sa iba pang lugar sa Taytay, Rizal, kabilang ang Christ the King Parish sa Muzon, bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng Caritas Manila, Diocese of Antipolo Social Action Center, mga parokya, foundations, at iba pang katuwang sa pagtugon sa mga nangangailangan.




