993 total reads
Nagpaabot ng pagbati ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pagkakahalal ni Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua bilang unang Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Interreligious Dialogue, umaasa ang simbahan na magiging bukas at makatarungan ang pamumuno ni Macacua sa rehiyon.
Ito ang mensahe ng komisyon kasunod ng pagkakahalal kay Macacua noong Oktubre 30 sa unang sesyon ng regular na Bangsamoro Parliament.
“On behalf of the CBCP-ECID, we express our support and solidarity with the new Bangsamoro government and Parliament. The Church will continue to walk with our Muslim brothers and sisters, with Indigenous Peoples, and with all communities in the region in dialogue, friendship, and the common work of building a just and lasting peace,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Nakakuha si Macacua ng 51 boto mula sa 79 na miyembro ng Parlamento na dumalo sa botohan. Ang kanyang pagkakahalal ay itinuturing na mahalagang hakbang sa ganap na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Itinuturing ng CBCP-ECID na mahalagang hakbang ito sa proseso ng kapayapaan sa Mindanao dahil pormal nitong tinatapos ang pitong taong pamamahala ng Bangsamoro Transition Authority at sinisimulan ang regular na pamahalaan ng rehiyon.
Pinuri rin ng komisyon ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa mapayapa at maayos na paglilipat ng pamamahala sa bagong halal na liderato.
Umaasa ang Simbahan na bibigyang-pansin ng bagong pamahalaan ang kapakanan ng lahat ng mamamayan sa rehiyon, kabilang ang mga Moro, katutubo at iba pang komunidad.
Nanawagan din ang CBCP-ECID na pairalin ang pagkakasundo at pagtutulungan upang makamit ang tunay na pag-unlad at pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, patuloy na makikiisa ang Simbahan sa mga Muslim, katutubo at iba pang pamayanan sa rehiyon sa pagsusulong ng diyalogo, pagkakaibigan at kapayapaan.




