716 total reads
Hinimok ni Father Joel Saballa, Kura Paroko ng St. Joseph the Worker Parish sa North Caloocan, ang mga mananampalataya, higit na ang mga kabataan at magulang, na itampok ang buhay at halimbawa ng mga santo sa halip na makibahagi sa mga ‘commercialized’ na pagdiriwang ng Halloween.
Sa idinaos na ‘Holy Win: Grand Festival of Saints’ ng Diocese of Novaliches, hinikayat ni Father Saballa ang mga bata na magsuot ng kasuotan ng santo upang maipakilala sa kanila ang mga huwaran ng kabanalan at pananampalataya.
Ayon kay Fr.Saballa, hindi lamang dapat magmistulang santo ang mga bata sa pamamagitan ng kasuotan, kundi dapat ding tularan ang mga mabubuting halimbawa ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay.
“So ngayon, bilang bahagi ng pagkokontra natin at pagtulong at pagtuturo sa mga tao, pinasusumikapan nating gawin ‘yung Holy Win naman: panalo ang santo sa buhay ng mga tao at hindi ang mga multo. Ito ang paraan upang mahikayat ang mga magulang na suotan ng santo ang mga anak. Sa halip na masanay sila sa pagsusuot ng damit ng demonyo, mas makilala nila ang buhay at halimbawa ng mga banal. Sana, damit ng santo ang ipanalo, hindi ang multo.” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Saballa.
Kabilang dito ang pagmamahal sa kalikasan ni St. Francis of Assisi, matatag na pananampalataya ni St. Stephen at malasakit sa mahihirap ni St. Teresa of Calcutta.
Hinimok din niya ang mga lider ng Simbahan at pamahalaan, mula sa antas ng barangay hanggang pambansa, na suportahan ang mga gawaing nagtataguyod ng kabanalan at iwasan ang pagtatampok sa mga larawang nakatatakot at sumasalungat sa diwa ng paggunita sa mga banal.
Binigyang-diin naman ng Pari na mahalagang pangunahan ng kabataan ang ganitong mga gawain upang maipasa rin nila sa susunod na henerasyon ang pagpapahalaga sa pananampalataya, katotohanan at paninindigan sa tama.
Iginigiit ng Lumen Gentium ng Second Vatican Council na lahat ng mananampalataya ay tinatawag sa kabanalan sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay at paglilingkod sa Diyos.




