3,900 total reads
Nananatiling bakante ang pitong luklukan ng mga diyosesis at apostolic vicariate sa Pilipinas.
Batay ito sa pinakahuling tala noong Nobyembre 8, 2026, habang hinihintay ang paghirang ng Simbahan sa mga bagong pastol na mangunguna sa mga lokal na pamayanan.
Kilala sa Simbahang Katolika ang sede vacante, nagmula ang salitang ito sa salitang Latin na nangangahulugang “the seat being vacant,” ang kalagayang ito ay tumutukoy sa panahon na walang namumunong obispo ang isang diyosesis o apostolic vicariate dahil sa pagkamatay, pagbibitiw, paglilipat, o pagtanggal sa dating obispo.
Sa panahong ito, ipinagkakatiwala ang pamamahala ng lokal na Simbahan sa isang apostolic administrator o diocesan administrator upang matiyak ang pagpapatuloy ng pastoral na paglilingkod at administrasyon.
Gayunman, hindi ito nangangahulugang maaari siyang gumawa ng malalaki o pangmatagalang pagbabago sa pamamahala ng nasasakupang Simbahan.
Sa bahagi ng turo ng Simbahan ang sede vacante ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng paggabay sa buhay ng Simbahan, kundi isang panahon ng panalangin at paghihintay habang ipinagkakatiwala sa Espiritu Santo ang kinabukasan ng mga lokal na pamayanan.
Dahil dito, hinihikayat ang mga mananampalataya na ipanalangin ang karunungan at paggabay ng Espiritu Santo para sa Santo Papa at sa Dicastery for Bishops sa pagpili ng mga bagong obispo, gayundin ang mga pari at iba pang lingkod ng Simbahan na patuloy na naglilingkod sa mga komunidad na naghihintay sa kanilang bagong pastol.
Sa panahong ito ng paghihintay, nananatiling mahalaga ang pagkakaisa, panalangin at patuloy na pagsasabuhay ng pananampalataya ng bawat pamayanang Katoliko.
Kabilang sa pitong ecclesiastical jurisdictions na sede vacante sa Pilipinas, ang mga diyosesis ng Bangued, Parañaque, Masbate, Kabankalan, Ilagan at Borongan, gayundin ang Apostolic Vicariate of Jolo.




