3,469 total reads
Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na may malinaw na mekanismo ng pagsubaybay sa paggamit ng pondo para sa mga lugar na apektado ng El Niño, kasabay ng patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at iba pang sektor na tinamaan ng tagtuyot.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Emerito Junie Castillo III, tagapagsalita ng OCD, na mino-monitor ng kanilang tanggapan ang paggamit ng pondong nagmumula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund, mula sa pag-uulat hanggang sa aktuwal na inspeksiyon sa mga benepisyaryo.
“Kapagka meron po kaming mga, ‘yung galing sa NDRRM Fund, ito po ay may malinaw na mekanismo on the monitoring, reporting, hanggang po doon sa inspection,” Bahagi ng pahayag ni Castillo sa Radyo Veritas.
Iniulat din ng opisyal na umabot na sa ₱8.7 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura batay sa mga natanggap na ulat, kabilang sa mga lugar na nakararanas ng matinding epekto ng tagtuyot sa ilang bahagi ng Caraga at Cagayan Valley.
Batay naman sa datos ng PAGASA hanggang Oktubre 31, 2026 kabilang sa mga lugar na nasa drought classification ang Albay, Catanduanes, Negros Oriental, Western Samar at Siquijor.
Samantala, nakararanas naman ng dry spell ang ilang lugar sa Bicol, Visayas at Mindanao, kabilang ang Masbate, Sorsogon, Capiz, Negros Occidental, Agusan del Norte at Surigao del Norte.
Ipinaliwanag din ni Castillo na ang drought ay tumutukoy sa tatlong magkakasunod na buwan ng pag-ulan na mas mababa nang malaki sa normal na antas, habang ang dry spell ay tumutukoy rin sa tatlong magkakasunod na buwan ng below-normal rainfall conditions.
Tiniyak din ng opisyal na nagpapatuloy ang mga intervention ng pamahalaan, partikular ang tulong para sa mga magsasakang nawalan o nanganganib mawalan ng kabuhayan dahil sa kakulangan ng tubig.
Nilinaw naman ni Castillo na hindi nagmumula sa iisang pondo ang lahat ng programa para sa El Niño, dahil may kani-kaniyang nakalaang pondo ang mga ahensiyang kabilang sa National Action Plan on El Niño.
“Magkakaiba na, because, ito pong mga pondo ng, ah, for the El Niño ay hindi po siya isang parang NDRRM fund na isang bultuhan tapos dinidivide, kung kailan, saan pangangailangan. Opo. Ah, doon po kasi sa National Action Plan on El Niño ay meron po ‘mga kanya-kanyang, ah, pondo, ‘no? Existing funds ang mga iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan,” Dagdag pa ni Castillo.
Kabilang sa tinukoy ni Castillo ang Department of Agriculture para sa food security, Department of Environment and Natural Resources para sa water security, Department of Health para sa kalusugan, Department of Energy para sa suplay ng enerhiya, at Department of the Interior and Local Government para sa public safety, kabilang ang pag-iwas sa grass fires.
Sa pananaw ng Simbahan, ang pagtugon sa epekto ng El Niño ay hindi lamang usapin ng disaster preparedness kundi pagpapakita rin ng malasakit sa mga mahihirap at bulnerableng komunidad.
Alinsunod sa diwa ng Laudato Si’ ni Pope Francis, ang pangangalaga sa sangnilikha ay may kaakibat na pananagutan sa kapwa, lalo na sa mga magsasaka at pamilyang higit na naaapektuhan ng krisis sa tubig at pagkain.




