37,451 total reads
Ibinahagi ni Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers (FFF) na hindi nangangahulugang mas malaki na agad ang kinikita ng mga magsasaka dahil tumaas ang average farmgate price ng palay.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Montemayor na bagama’t lumilitaw na tumaas ang presyo ng palay mula sa nasa ₱17 kada kilo noong Agosto 2025 tungo sa humigit-kumulang ₱22 kada kilo ngayong Agosto, kailangan pa ring suriin nang mas malalim ang datos dahil kakaunti pa lamang ang naaning palay sa panahong iyon.
Ayon kay Montemayor, posibleng hindi pa lubusang nararamdaman ng mga magsasaka ang sinasabing pagtaas ng presyo, lalo na sa pagpasok ng pangunahing harvest season mula Setyembre hanggang Nobyembre.
Dagdag pa niya, may mga projection na maaaring bumaba ang palay production sa ikatlong quarter ng taon, habang posibleng madagdagan naman ang rice imports, kung saan kapag dumami ang imported rice kasabay ng lokal na anihan, maaari itong magdagdag ng pressure sa presyo ng lokal na palay.
Sa datos ng Department of Agriculture, umabot na sa humigit-kumulang 3.5 million metric tons ang rice import arrivals noong Agosto 2, 2026.
Ipinaliwanag din ni Montemayor na hindi direktang katumbas ng presyo ng palay ang presyo ng bigas sa pamilihan dahil may iba pang gastos sa milling, transportasyon at iba pang proseso.
“As a general rule, ang katumbas na presyo ng palay sa retail market kapag naging bigas na ay tinatantyang times two ng farmgate price.” Dagdag pa ni Montemayor.
Gayunman, nakadepende pa rin aniya ang retail price sa kalidad ng bigas, kabilang ang variety at milling recovery.
Batay naman sa PSA, ang average retail price ng well-milled rice ay nasa ₱56.29 kada kilo noong Agosto 15 hanggang 17, mas mataas kumpara sa ₱47.07 kada kilo sa kaparehong panahon noong 2025.
Para kay Montemayor, mahalagang tingnan ang buong supply chain upang makita kung saan napupunta ang pagitan ng farmgate price at retail price.
“Hindi naman masama na magkaroon ng makatarungang tubo ang mga trader at negosyante. Ang masama ay ang sobrang pagtutubo o profiteering.” Ayon pa kay Montemayor.
Ipinahayag din ni Montemayor ang pagkabahala sa dami ng imported rice na pumapasok sa bansa, na aniya ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa presyo ng lokal na palay sa panahon ng anihan.
Noong 2024, ipinatupad ng pamahalaan ang Executive Order No. 62 na nagbaba sa tariff rate ng imported rice sa 15 porsiyento mula 35 porsiyento na layunin na mapababa ang presyo ng imported rice at maprotektahan ang purchasing power ng mga mamimili.
Sa kabila nito ayon kay Montemayor, hindi sapat na tingnan lamang ang pagbaba ng taripa; sapagkat kailangan ding suriin kung gaano kalaki ang naging epekto nito sa aktuwal na presyo ng bigas at sa kita ng mga magsasaka.
“Ang ating mga magsasaka ay napipilitang makipagkompetensya sa mas murang imported rice.” Ani pa ni Montemayor.
Sa huli, nanawagan si Montemayor ng mas kritikal na pagbasa sa datos ng presyo ng palay at rice imports, lalo na habang papalapit ang harvest season sa bansa.




