39,545 total reads
Panawagan ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang batas na nagpapaliban sa November 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at nagpapahaba sa termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials mula apat taon tungo sa limang taon.
Sa pahayag na ipinaabot ng LENTE sa Radyo Veritas nitong Setyembre 22, 2026 iginiit ng grupo na pinangangasiwaan ni LENTE Executive Director Atty. Rona Ann Caritos na ang regular na halalan ay mahalagang mekanismo upang mapanagot ang mga halal na opisyal sa mga mamamayan.
Sa ilalim ng panukalang batas na ipinasa ng Kongreso, ililipat ang BSKE na orihinal na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026 sa Nobyembre ng taong 2028, habang pahahabain ang termino ng mga barangay at SK officials mula apat na taon hanggang limang taon.
“Congress has passed a bill extending the term of barangay and Sangguniang Kabataan officials from four to five years. The bill amends Republic Act No. 12232, moving the BSKE, originally scheduled for November 2, 2026, to November 2028. We call on President Marcos to veto this bill.” Bahagi ng pahayag ng LENTE sa Radyo Veritas.
Ayon sa grupo, dapat pangalagaan ang karapatan ng mga botante na regular na pumili ng kanilang mga kinatawan, lalo na sa antas ng barangay na pinakamalapit sa mga ordinaryong mamamayan.
“The 1987 Constitution enshrines the right of suffrage and requires that elections be held regularly so that officials remain accountable to the electorate. Another law postponing the elections is unconstitutional and is in direct contrast with the principle of accountability.” Dagdag pa ng LENTE.
Iginiit ng grupo na hindi lamang teknikal na pagbabago sa election calendar ang pagpapaliban ng BSKE dahil may epekto ito sa pagkakataon ng mga mamamayan na suriin at piliin kung sino ang nais nilang mamuno sa kanilang barangay.
Iniugnay rin ng LENTE ang panawagan sa usapin ng pananagutan sa mga alegasyon ng korapsyon sa pamahalaan, partikular sa mga kontrobersiya sa flood-control projects.
“A bill postponing elections postpones accountability.” Ayon pa sa LENTE.
Ayon sa grupo, kung ang prinsipyo ng pananagutan ay bahagi ng kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa korapsyon, dapat din itong makita sa pagpapanatili ng regular na halalan bilang paraan upang managot ang mga opisyal sa kanilang mga nasasakupan.
“If that principle is to mean anything, it cannot stop at exposing corruption in infrastructure spending; it must also extend to the accountability that regular elections themselves provide.” Giit ng LENTE.
Dagdag pa ng grupo, ang pagpapahaba ng termino ng mga barangay at SK officials nang hindi binibigyan ng pagkakataon ang mga botante na muling magpasya ay nangangahulugan ng pagkaantala sa isang mahalagang democratic accountability mechanism.
“Extending barangay and SK officials’ terms again, without letting voters weigh in, is a step away from accountability at the government level closest to ordinary Filipinos.” Paliwanag ng LENTE.
Sa kabila ng argumento ng ilang mambabatas na makatitipid ang pamahalaan sa gastos sa halalan at mabibigyan ng mas mahabang panahon ang mga kasalukuyang opisyal upang maisagawa ang kanilang mga programa, nanindigan ang LENTE sa panawagan nito kay Pangulong Marcos na huwag pirmahan ang panukala.
“A veto of the bill by President Marcos is another step towards ending corruption at all levels of government.” Apela ng LENTE.
Batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), aabot sa mahigit 42,000 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.
Sa bahagi ng Simbahang Katolika partikular na sa Compendium of the Social Doctrine of the Church, ang halalan ay hindi lamang isang mekanismo ng pulitika kundi isang moral na proseso na nagtataguyod ng dignidad ng taumbayan, aktibong pakikilahok ng mga mamamayan at pananagutan ng mga halal na opisyal.




