742 total reads
Sa pastoral statement ni Kalibo Bishop Cyril Villareal, iginiit nito na hindi maaaring isakripisyo ang kapakanan ng mga pamilya, dignidad ng tao at kabutihang panlahat kapalit ng kita.
Aniya, hindi dapat gawing sukatan ng pag-unlad ng Boracay ang kita mula sa casino, lalo na kung may mabigat itong epekto sa mga pamilya at komunidad.
“Economic development is important, but development must always remain at the service of the human person. Profit cannot be the sole measure of progress,” ayon sa pahayag ni Bishop Villareal.
Binigyang-diin ng obispo na sapat na ang turismo at likas na yaman ng isla upang umunlad at magkaroon ng kabuhayan ang mamamayan na hindi umaasa sa pagsusugal.
“Boracay does not need gambling and casinos to prosper. Its beauty, its culture, its hospitality, and its natural gifts are already treasures that can support a vibrant and sustainable tourism industry,” ayon sa obispo.
Nilinaw ng obispo na hindi lamang usapin ng legalidad sa operasyon ng casino ang ninanais ng lokal na simbahan, kundi pati na rin ang uri ng komunidad na nais palaganapin sa isla, lalo’t malaki ang epekto ng pagsusugal sa moralidad ng mga tao.
Nagbabala ang Simbahan na maaaring humantong ang pagsusugal sa pagkakautang, pagkasira ng relasyon ng mag-asawa, pagpapabaya sa mga anak at iba pang anyo ng panlipunang pinsala.
“Money intended for food, children’s education, medicines, household expenses, savings, or livelihood should never be sacrificed to gambling or to the hope of easy money,” giit ng obispo.
Nanawagan si Bishop Villareal sa lokal na pamahalaan ng Aklan, sa munisipalidad ng Malay, at sa iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gamitin ang kanilang kapangyarihan para sa kapakanan ng mamamayan.
Hinimok ng diyosesis ang mga mananampalataya na huwag magpadala sa pangako ng madaling pera; sa halip ay pangalagaan ang tapat na paggawa, responsableng paggamit ng yaman, at pagkakaisa ng pamilya.
Tiniyak din ni Bishop Villareal na nakahanda ang simbahan na tulungan ang mga nalulong sa sugal.
“For those who are already struggling with gambling, let us respond not with condemnation, but with compassion, truth, and concrete help,” aniya.
Muling pinagtibay ng Diyosesis ng Kalibo ang matatag nitong pagtutol sa pagsusugal at sa operasyon ng mga casino.
“The Diocese of Kalibo remains steadfast in its opposition to gambling and the operation of casinos and in its commitment to the dignity of every person, the welfare of families, and the common good of our communities,” anila.
Una nang nanindigan ang lokal na simbahan ng Kalibo laban sa mga casino sa isla noong 2003 nang planong magbukas ng casino ang Philippine Amusement and Gaming Corp. sa lugar, ngunit hindi ito naipagpatuloy dahil sa mariing paninindigan ng mga mamamayan.




