178,243 total reads
Mga Kapanalig, kung nakasubaybay kayo sa mga usapan sa social media tungkol sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, makikita natin ang kaliwa’t kanang palitan ng mga argumento. May mga nakikipagdebate at nagbabahagi ng kuru-kuro at saloobin. Pero may mga usapang humahantong na sa toxic na “online bardagulan” kung saan pang-iinsulto, pamemersonal, at pambabastos na ang ginagawa ng mga tao.
Ang pakikipagtalakayan, kahit pa magkakaiba ang opinyon, ay bahagi ng ating freedom of speech. Pero gaya ng paalala sa Efeso 4:29, “Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig.” ‘Ika nga, kung wala tayong sasabihing mabuti, huwag na lang tayong magsasalita.
Sa kasamaang-palad, madalas na naglalaho ang kabutihan at malasakit sa pakikitungo natin sa mga online spaces dahil pwede naming magtago ang mga tao sa mga alyas at gawa-gawang pangalan. Tila nawawala ang respeto at pananagutang kaakibat ng karapatan natin sa freedom of speech dahil madaling itago ang pagkakakilanlan natin sa internet.
Halimbawa nito ang mga bastos na komento at personal na pag-atake laban kay San Juan Representative Ysabel Zamora. Ang isyu ay isang halimbawa ng misogyny o diskriminasyon laban sa kababaihan.
Noong nakaraang linggo, pinangunahan ni Congresswoman Zamora ang direct examination ng prosecution sa witness nito na si Police Major Joericson Sangalang, ang hepe ng Records Division ng PNP Firearms and Explosives Office. Nakatuon ang pagtatanong sa mga armas na pagmamay-ari ng bise presidente at asawa niya. Sa halip na pagtuunan ng atensyon ang laman ng diskusyon, naging tampulan ng pambabastos sa social media ang paraan ng pananalita ng kongresista.
Walang masama sa pananalita ni Congresswoman Zamora, kaya hindi niya deserve ang mga batikos laban sa kanya. Marahil ay naiiba ito sa kinagisnan ng mga nagkokomento pero hinding-hindi ito katwiran para maging target siya ng misogynistic remarks. Walang puwang sa mundo ang pambabastos sa kahit na sino.
Matatandaang noong Marso, binatikos si Quezon City Fourth District Representative Bong Suntay dahil sa bastos na komento niya tungkol sa isang aktres sa isang opisyal na pagdinig ng Kongreso. Naroon din si Congresswoman Zamora at nagmosyon siyang tanggalin sa record ang pambabastos na ginawa ng kapwa niya kongresista. Aniya, hindi dapat nagbibitiw ng ganoong mga salita ang mga mambabatas, lalo pa’t National Women’s Month noong nangyari ang insidente. Ngayon, si Congresswoman Zamora naman ang naging target ng pambabastos ng maraming netizens. Nakadidismaya at nakagagalit na paulit-ulit itong nangyayari.
Sa panahon ng digital age, laganap ang tinatawag na technology-facilitated gender-based violence. Tumutukoy ito sa uri ng karahasang isinasagawa sa tulong o pamamagitan ng teknolohiya laban sa isang tao batay sa kanyang kasarian. Kasama rito ang online sexual harassment, misogynistic hate speech, at paninirang-puri. Nakaugat ang technology-facilitated gender-based violence sa mga gender norms na kasangkapan ang tingin sa kababaihan at naninira sa kanilang kredibilidad bilang mga lider. Sa madaling salita, nakaugat ito sa nakasanayang kultura ng pagtrato sa mga babae bilang mga bagay na pinagnanasaan lamang. Kailangan nating burahin na ang mapang-api at bastos na kulturang ito.
Mga Kapanalig, binigyang-diin ni Pope Leo XIV noong International Women’s Day ang patuloy na pagkilala sa pantay na dignidad ng kababaihan at kalalakihan. Hinimok niya tayong makiisa at tumindig kasama ang kababaihan upang isulong at pairalin ang culture of respect at gender equality. Gaya naman ng pahayag ni Gabriela party-list Representative Sarah Elago bilang pagsuporta kay Congresswoman Zamora, “Hindi dapat maging normal ang ganitong asal online. May karapatan ang kababaihan na magsalita, magtanong, at makilahok sa mga pampublikong usapin nang hindi minamaliit, binabastos, o tinatakot dahil lamang sa kanilang paninindigan.”
Sumainyo ang katotohanan.




