601 total reads
Binigyang-diin ni Cebu Archbishop Alberto Uy na nakababahala ang patuloy na katiwalian sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng maraming opisyal ng gobyerno ang Kristiyano at nakapag-aral sa mga paaralang Katoliko.
Sa kanyang mensahe kaugnay ng paggunita sa Red Wednesday, sinabi ng arsobispo na maaaring kulang ang paghubog sa konsensiya at pagkatao ng mga mananampalataya dahil mas nabibigyang-halaga ang tagumpay kaysa katapatan at paggawa ng mabuti.
“Perhaps we have taught people how to be religious without sufficiently teaching them how to be righteous. We have developed their intelligence without adequately forming their consciences. We have taught them how to succeed in life without sufficiently teaching them how to live a good life,” bahagi ng homiliya ng arsobispo.
Hinimok ni Archbishop Uy ang mga pamilya, paaralang Katoliko at parokya na bigyang-halaga ang paghubog ng mabuting asal, integridad at pananagutan, kasabay ng pagtuturo ng pananampalataya at kahusayan sa akademiko.
Ayon sa arsobispo,“Our families must teach children that honesty is more important than wealth. Our Catholic schools must give as much importance to character formation as to academic excellence. Our parishes must help people understand the social and moral demands of their faith.”
Nanawagan din siya sa publiko na huwag kunsintihin ang korapsyon dahil lamang kaibigan, kamag-anak, benefactor o kaalyado sa politika ang mga sangkot dito.
“We, as citizens, must stop tolerating corruption simply because the people involved are our friends, relatives, benefactors, or political allies. Let us remember: it is better to suffer by doing good than to prosper by doing evil,” ayon sa arsobispo.
Binigyang-diin ni Archbishop Uy na hindi sapat na maraming Kristiyano ang nasa posisyon sa pamahalaan kung hindi naman nakikita sa kanilang mga desisyon at pagkilos ang mga aral ni Kristo.
Sa paggunita ng Red Wednesday, hinamon niya ang mga mananampalataya na hindi lamang alalahanin ang mga Kristiyanong inuusig, kundi magkaroon din ng tapang na panindigan ang tama kahit may kapalit itong pansariling interes.




