1,391 total reads
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, OP, ang Simbahang Katolika na tiyaking nananatiling nakaugat sa tunay na buhay ng mga tao ang pag-aaral ng teolohiya, sa halip na malimitahan lamang sa mga aklat, silid-aralan at mga talakayang akademiko.
Binigyang-diin ng kardinal na kailangang pakinggan ng Simbahan ang mga karanasan, hinaing, at pag-asa ng mga dukha, migrante, kabataan, pamilya, at iba pang sektor na madalas na naisasantabi at hindi napakikinggan.
“A theology that is truly sacred must therefore also be a theology that listens,” ayon kay Cardinal Advincula sa kanyang acceptance speech matapos igawad sa kanya ang Doctor of Theology honoris causa ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas (UST) sa Maynila nitong October 15.
Ayon sa kardinal, hindi dapat mahiwalay ang teolohiya sa mga konkretong realidad na kinakaharap ng mga tao, kabilang ang pagdurusa, paghahanap ng kahulugan sa buhay at pag-asa sa gitna ng mga pagsubok.
Iginiit ng kardinal na mahalagang bahagi ng synodal journey ng Simbahan ang pakikinig sa mga mananampalataya at sa mga taong nahihirapang maniwala o nakararamdam na hindi na nakatutugon ang Simbahan sa kanilang mga katanungan.
“For a Church that is synodal, this listening is not optional. It is part of the very way the Church journeys together,” ani Cardinal Advincula.
Binigyang-diin ng arsobispo ng Maynila na bago magturo, mangaral, o mamuno ang mga pastol ng Simbahan, kailangang matutong makinig sa Diyos, sa Simbahan, at sa mga taong ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga, lalo na sa mga walang tinig sa lipunan.
“A pastor is expected to teach, to preach, to make decisions, to give direction, and to lead. But before all of this, he must learn to listen,” aniya.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na ang tunay na teolohiya ay hindi lamang tungkol sa pagpapaliwanag ng pananampalataya kundi sa pag-unawa rin sa mga tanong at karanasan ng mga taong pinaglilingkuran ng Simbahan.
Kabilang sa mga usaping dapat pagnilayan ng teolohiya ang dignidad ng tao sa gitna ng mga hamon sa paggawa, ang kalayaan sa panahon ng artificial intelligence, ang pakikiisa sa milyun-milyong lumikas dahil sa digmaan, kahirapan at climate change, at ang pag-asa ng mga nawalan.
Ayon sa kardinal, hindi nangangahulugan ang pakikinig ng pagtalikod sa katotohanan, kundi ng mapagpakumbabang paghahanap dito sa pamamagitan ng pag-unawa sa iba’t ibang pananaw at karanasan.
“To listen is not to abandon the truth, but to search for it with humility,” aniya.
Samantala, sa kanyang mensahe sa seremonya, sinabi ni UST Rector Fr. Richard Ang, O.P., na ang episcopal motto ni Cardinal Advincula na “Audiam,” na nangangahulugang “I will listen,” ay sumasalamin sa kanyang paraan ng pamumuno bilang isang pastol.
“In an age of noise, there is something deeply moving about this quiet and simple man. His episcopal motto gives us the key to understanding this: Audiam, I will listen,” ani Fr. Ang.
Ayon sa rektor, hindi lamang akademikong pagkilala ang paggawad sa kardinal ng honorary doctorate kundi pagkilala rin sa kanyang paglilingkod sa Simbahan at sa paggamit ng kaalamang teolohikal para sa kapakanan ng mga tao.
Nagtapos si Cardinal Advincula ng Bachelor of Sacred Theology sa UST noong 1975. Sa kanyang talumpati, sinabi niyang ang pagkilalang natanggap niya ay nagbabalik sa kanya sa unibersidad na naging bahagi ng kanyang paghubog bilang pari.
Ipinagdiwang ng kardinal ngayong taon ang ika-50 anibersaryo ng kanyang pagkapari at ika-25 anibersaryo ng kanyang pagiging obispo.
Gayunpaman, sa kabila ng mahabang panahon ng pagiging pastol, aminado ang kardinal na marami pa itong dapat matutuhan sa pamamagitan ng patuloy na pakikinig sa mga nasasakupan.
“After 50 years in the priesthood, I still have so much to learn. After 25 years as a bishop, I still have much to listen to,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Kabilang sa mga ginawaran ng kaparehong pagkilala sina Rev. Eugene McGuinnes (1927), Cardinal Ildebrando Antoniutti (1965), Cardinal Jaime Sin (1977), Cardinal José Sánchez, Cardinal Ricardo Vidal (1985), Chiara Lubich (1997), at Cardinal Alfonso Trujillo (2009).
Dumalo sa conferment ceremony ang mga kinatawan ng Dominican Philippine Province, sa pangunguna ng kanilang provincial superior, Fr. Filemon dela Cruz, mga miyembro ng academe, mga pari, at seminarista ng Archdiocese of Manila at UST Central Seminary.




