1,054 total reads
Nanawagan ang national spiritual director ng CHARIS Philippines na wakasan ang kompetisyon at pagkakahati sa pagitan ng mga charismatic communities at Basic Ecclesial Communities (BECs), at sa halip ay pagtibayin ang pagtutulungan para sa iisang misyon ng Simbahan.
Ayon kay Fr. Bartolome Pastor, hindi dapat ituring na magkatunggaling pagpipilian ang pagiging kasapi ng charismatic prayer group at BEC, lalo na sa mga pagkakataong nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan at kompetisyon sa pag-akay ng mga kasapi.
“You can be a member of both a charismatic prayer group and a BEC, working together for the good of the local parish,” ayon kay Fr. Pastor.
Sa kanyang talakayan na “Peter Speaks: The Spirituality of Pentecost” sa 2nd National Spiritual Direction Conference ng CHARIS Philippines sa One Tectona, Liloan, Cebu, ipinaliwanag ng pari na ang BEC, synodality, at spirituality of Pentecost ay hindi magkakahiwalay o magkakatunggaling realidad, kundi magkakaugnay na bahagi ng buhay at misyon ng Simbahan.
“The BEC is the body, synodality is the transmission, and the spirituality of Pentecost is the engine,” paliwanag ng pari.
Ayon kay Fr. Pastor, mahalagang maunawaan ito ng mga pastoral worker upang maiwasan ang kompetisyon sa halip ay magbuklod sa paglilingkod sa mga pamayanang Katoliko.
Binigyang-diin ni Fr. Pastor na hindi lamang para sa mga kasapi ng Catholic Charismatic Renewal ang binyag sa Espiritu Santo at ang mga kaloob na karismatiko, kundi ito ay kaloob para sa buong Simbahan.
“Baptism in the Holy Spirit and the manifestations of charismatic gifts are not optional graces linked only to the Charismatic Renewal. Rather, they are integral to Christian life and are meant for the whole Church,” aniya.
Paliwanag ng pari na dapat magbunga ang spirituality of Pentecost ng mas malalim na pananalangin, kabanalan, pagkakaisa, pagpapahayag ng Mabuting Balita, at paglilingkod sa mga mahihirap at nangangailangan.
Aniya, ang pagkakaisa ng mga komunidad ay dapat humantong sa sama-samang pagkilos para sa misyon ng Simbahan, sa halip na mauwi sa kompetisyon sa loob ng mga parokya.
“We must ensure that this Spirit is not extinguished but, rather, fanned into flame,” aniya, kasabay ng panawagang patuloy na pag-alabin ang kaloob ng Espiritu Santo upang maging buhay na saksi ni Kristo ang mga mananampalataya.
Dumalo sa pagtitipon na magtatapos sa October 21 ang 146 na delegado, na binubuo ng mga obispo, pari, at lay leaders mula sa iba’t ibang diyosesis at mga charismatic group sa bansa.




