1,202 total reads
Nagbabala si Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David laban sa pag-usbong ng “spiritual celebrities” sa mga charismatic communities, kung saan ang mga kaloob ng Espiritu Santo ay maaaring maging instrumento ng pansariling karangalan sa halip na paglilingkod sa Simbahan.
Sa kanyang pahayag sa ikalawang National Spiritual Direction Conference ng CHARIS Philippines sa Liloan, Cebu nitong October 20, binigyang-diin ng kardinal na ang mga spiritual gifts ay ipinagkakaloob upang patatagin ang pananampalataya ng mga mamamayan sa Diyos.
“The Holy Spirit does not distribute gifts to create spiritual celebrities. The Spirit distributes gifts to build up the Body of Christ,” ayon kay Cardinal David.
Ayon sa kardinal, bagama’t mahalaga ang mga kaloob tulad ng pangangaral, pagpapagaling, propesiya at pagkilala sa mga kaloob ng Banal na Espiritu, dapat tiyaking ginagamit ang mga ito para sa kapakanan ng komunidad at hindi upang magtamo ng pagkilala o kapangyarihan.
“A charism is a gift of the Spirit not for the individual alone, but for the community,” giit ni Cardinal David, na nagbabala rin laban sa kompetisyon at labis na paghahangad ng pagkilala sa loob ng mga komunidad.
Hinamon ng kardinal ang mga lider ng Catholic Charismatic Renewal na huwag hayaang umaasa sa kanilang personalidad ang mga kasapi, kundi tulungang maging ganap na alagad na kayang gamitin ang kani-kanilang kaloob at gampanan ang kanilang pananagutan sa misyon ng Simbahan.
“The purpose of leadership is not to make people dependent on leaders. It is rather to help them become mature disciples, capable of exercising their own gifts and responsibilities,” ani Cardinal David.
Binigyang-diin ni Cardinal David na ang tunay na pamayanang puspos ng Espiritu Santo ay dapat mamuhay sa diwa ng synodality, kung saan kinikilala ang mga kaloob ng bawat kasapi, nakikinig sa isa’t isa, at sama-samang kumikilatis sa kalooban ng Diyos.
Iginiit din ng kardinal na hindi dapat manatili sa personal na pagbabagong espirituwal ang karismatikong paglilingkod, kundi humantong sa mas malalim na pakikibahagi sa misyon ng Simbahan, malasakit sa mahihirap,
pagsusulong ng katarungan at paglilingkod sa kapwa.
Nagbuklod sa ikalawang National Spiritual Direction Conference ang may 165 na delegado na binubuo ng mga obispo, mga pari, mga relihiyoso at mga lay leaders mula sa mga diyosesis at mga charismatic groups sa bansa.




