508 total reads
Binigyang-diin ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang kahalagahan ng pagtulad sa Mahal na Birheng Maria sa buong pusong pagtugon sa panawagan ng Diyos.
Ito ang mensahe ng kardinal sa pagdiriwang ng kapistahan ng Nuestra Señora de la Salud o Mahal na Birhen ng Salud sa San Nicolas de Tolentino Parish sa Quezon City.
Sa kanyang pagninilay, ibinahagi ni Cardinal Advincula ang tatlong dimensyon ng bokasyon na makikita sa buhay ni Maria: ang paghahandog ng sarili sa Diyos, ang lakas ng loob na tumugon sa Kanyang panawagan, at ang pananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok.
Ayon sa kardinal, ang bokasyon ay hindi lamang nakabatay sa propesyong nais tahakin, posisyong nais makamit o tagumpay na inaasam, kundi higit sa lahat ay sa kung kanino iniaalay ang buhay at kung sino ang nais paglingkuran.
Aniya, sa halip na ituon lamang ang pansin sa sariling mga plano at pangarap, mahalagang itanong ng bawat isa kung ano ang nais ng Diyos na gawin nila sa buhay na ipinagkaloob Niya.
“A vocation is not simply a career we choose, it is a life we offer,” ayon kay Cardinal Advincula.
Hinimok din ng arsobispo ng Maynila ang mga mananampalataya, lalo na ang mga kabataan, na maging bukas sa tawag ng Diyos, maging ito man ay sa buhay-pamilya, pagpapari, buhay-relihiyoso o iba pang anyo ng paglilingkod.
Hinikayat naman ni Fr. Robin Plata, OAR, Spiritual Director ng Cofradía del Tránsito de Nuestra Señora, ang mga mananampalataya na palalimin ang kanilang debosyon sa Mahal na Birhen ng Salud bilang bahagi ng pagpapalago ng pananampalataya.
Hinimok din ng pari ang mga naghahangad ng kagalingan na dumulog sa Mahal na Ina, hindi lamang para sa pisikal na kalusugan kundi maging sa espirituwal, emosyonal at mental na pangangailangan.
Kaugnay nito, ikalawang taon na ng paghahanda ng kapatiran para sa ika-400 anibersaryo ng pagdating sa Pilipinas ng orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ng Salud sa 2034.
Itinalaga ang kasalukuyang taon bilang Year of Vocations Consecrated to God, na nakatuon sa Paghahandog kay Maria sa Templo.
Ayon kay Fr. Plata, bahagi ito ng paghahanda upang higit na mapalalim ang pananampalataya at bokasyon ng mga deboto sa pamamagitan ng halimbawa ng Mahal na Birhen.
Binigyang-diin din niya na si Maria ang umaakay sa mga mananampalataya patungo kay Hesukristo, na siyang katotohanan, buhay at pag-asa ng sangkatauhan.
Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Father Plata na ang paghahanda para sa ika-400 anibersaryo ay pagkakataon upang higit na maunawaan at maisabuhay ang pananampalataya kay Maria.
“Nasa ikalawang taon na po tayo ng ating paghahanda para sa ika-apat na sentenaryo ng pagdating ng orihinal na imahen ni Inay Salud dito sa Pilipinas. At ang Year 2 po ay itinalaga natin bilang Year of Vocations Consecrated to God, the Presentation of Mary Most Holy. Ito po ay bahagi ng ating paglalakbay patungo sa 2034, ang ika-apat na sentenaryo ng pagdating ni Inay Salud dito sa Pilipinas,” ani Fr. Plata.




