388 total reads
Iginiit ni Balanga Bishop Rufino Sescon Jr. na dapat munang makuha ang malaya at malinaw na pahintulot ng mga katutubong Aeta bago ituloy ang anumang mining exploration sa Mount Pantingan sa Bataan.
Malugod na tinanggap ng obispo ang pansamantalang pagpapahinto sa eksplorasyon habang tinutugunan ang mga hinaing ng mga katutubong Aeta at mga lokal na opisyal.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Bishop Sescon na kailangang makuha muna ang Free, Prior and Informed Consent o FPIC ng mga katutubo bago magsagawa ng anumang aktibidad sa kanilang lupang ninuno.
Ayon sa obispo, hindi lamang lupa o ari-arian ang kanilang ninuno kundi bahagi rin ng kanilang tahanan, kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan.
“Their ancestral land is not merely land or property. It is their home, history, culture and identity,” ayon kay Bishop Sescon.
Dagdag pa ng pahayag, “There is no true development if it causes environmental destruction and violates the rights of others.”
Hinimok din ni Bishop Sescon ang pamahalaan at mga kompanya ng pagmimina na maging bukas sa impormasyon at magsagawa ng makabuluhang konsultasyon tungkol sa posibleng epekto ng pagmimina sa kagubatan, ilog, pinagkukunan ng tubig, kabuhayan at kalusugan ng mga residente.
Saklaw ng planong exploration ang ilang bahagi ng Mount Pantingan sa mga bayan ng Limay, Bagac at Mariveles.
Bagama’t kinikilala ng obispo ang pangangailangan sa trabaho at pag-unlad, iginiit niyang hindi dapat isakripisyo rito ang karapatan ng mga katutubo at pangangalaga sa kalikasan.
Ipinahayag din ni Bishop Sescon ang pakikiisa ng Simbahan sa mga Aeta Magbukon at hinimok ang mga taga-Bataan na pangalagaan ang mga bundok, kagubatan, ilog at lupang ninuno sa lalawigan.




