38,862 total reads
“Let us embrace fragility.”
Ito ang tema at mensaheng napili ni Pope Leo XIV para sa paggunita ng Kuwaresma sa taong 2027.
Hango ang tema sa Ikalawang Sulat ni San Pablo sa mga Taga-Corinto 12:9: “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, sapagkat nahahayag ang aking kapangyarihan sa kahinaan.”
Inihayag ng Dicastery for Promoting Integral Human Development, na nakabatay rin ang tema sa mga talata 118 hanggang 126 ng ensiklikal ng Santo Papa na Magnifica Humanitas.
“In an age marked by the dream of transcending the limits of the human condition and eliminating every form of uncertainty, Lent offers us the opportunity to embark on a journey of conversion by recognizing our limitations as an essential dimension of our nature as creatures,” ayon sa inilabas na pahayag ng dicastery.
Ayon sa dicastery, pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma upang kilalanin at tanggapin ng tao ang kanyang mga limitasyon bilang bahagi ng kanyang pagiging nilikha ng Diyos.
Binigyang-diin nitong hindi nangangahulugan ng pagsuko o kawalan ng pag-asa ang pagtanggap sa sariling kahinaan. Sa halip, paraan ito upang mapangalagaan ang tunay na pagkatao at mabuksan ang sarili sa biyaya ng Diyos.
Ipinaliwanag din ng dicastery na pinili ng Anak ng Diyos na maging tao, makibahagi sa kahinaan ng sangkatauhan at sumunod sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan sa krus.
Layunin ng tema na hamunin ang paniniwalang kayang lampasan o higitan ng tao ang lahat ng kanyang limitasyon at muling likhain ang sarili nang walang hangganan.
Inaanyayahan din ng Santo Papa ang mga mananampalataya na tanggapin ang kanilang kahinaan at kilalanin ang pangangailangan sa biyaya ng Diyos bilang mahalagang bahagi ng buhay at pananampalataya.




