LUNES, OKTUBRE 3, 2022

SHARE THE TRUTH

 428 total views

Lunes ng Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Galacia 1, 6-12
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Lucas 10, 25-37



Monday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Galacia 1, 6-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tinalikdan ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng pag-ibig ni Kristo at bumaling kayo sa ibang mabuting balita. Ang totoo’y walang ibang mabuting balita; lamang, may mga nanliligalig sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin, at inuulit ko: kung may mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siya!

Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko’y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.

Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga’y totoo’y matapat.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
banal at dakila ang kanyang pangalan;
at pupurihin pa magpakailanman.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Maging sa ngayon, maraming tao ang nag-aabang sa bangketa na nangangailangan ng mga salitang nakapagpapagaan ng kalooban o naghihintay ng kamay na handang dumamay. Manalangin tayo sa Amang nasa Langit upang maipadama natin ang ating pagmamahal sa konkretong aksyon kaysa sa magandang salita lamang.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, patatagin Mo ang aming pag-ibig.

Ang Simbahan, sa kanyang mga pastol at bayan, nawa’y magpakita ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naglilingkod sa mga dukha nawa’y hindi manghina ang loob o mawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang bawat taong makasalamuha natin nawa’y pakitaan natin ng kabutihang-loob at paggalang, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nalulumbay at ang mga may karamdaman sa ating lipunan nawa’y huwag nating balewalain o “lagpasan lamang,” manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y dalhin ni Kristo sa kanyang walang hanggang kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, habang ipinagdarasal namin ang iba, tulungan mo kaming mahalin at paglingkuran ang aming kapwa at tanggapin ang iyong mahal na Anak na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

NUMBER’S GAME

 33,983 total views

 33,983 total views Kapanalig, ang nasaksihang natin na “tele-novela” sa Senado ay hindi pa tapos…ilang episode pa lamang ang ating napapanood. Abangan ang susunod na kabanata!

Read More »

BREAKDOWN OF MORALITY

 40,112 total views

 40,112 total views Kapanalig, sinabi sa Genesis 1:27 na “God created mankind in his image; In the image of God he created them; Male and female

Read More »

Konkretong paraiso?

 70,254 total views

 70,254 total views Mga Kapanalig, ano, para sa inyo, ang mukha ng progreso at kaunlaran? Kung pagbabatayan natin ang mga imprastrakturang itinatayo sa ngalan ng ”development”,

Read More »

SenateFlix

 90,180 total views

 90,180 total views Mga Kapanalig, hindi pa tapos ang tinaguriang SenateFlix. Marami pa ring nangyayari sa ating Senado. Sa latest episode, may iyakan at sumbatan na! 

Read More »

Hindi lang ‘for the content’

 109,748 total views

 109,748 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Hunyo 1, 2026

 826 total views

 826 total views Paggunita kay San Justino, martir 2 Pedro 1, 2-7 Salmo 90, 1-2. 14-15ab. 15k-16 D’yos kong tapat at totoo, ikaw lang ang pag-asa

Read More »

Linggo, Mayo 31, 2026

 1,954 total views

 1,954 total views Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) Exodo 34, 4b-6. 8-9 Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56 Purihin at ipagdangal

Read More »

Sabado, Mayo 30, 2026

 3,209 total views

 3,209 total views Sabado ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Judas 17, 20b-25 Salmo 62, 2.

Read More »

Biyernes, Mayo 29, 2026

 4,415 total views

 4,415 total views Biyernes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Pablo VI, papa 1 Pedro 4, 7-13 Salmo 95, 10. 11-12.

Read More »

Huwebes, Mayo 28, 2026

 5,478 total views

 5,478 total views Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggang at Dakilang Pari (A) Genesis 22, 9-18 o kaya Hebreo 10, 4-10 Salmo 39, 7-8a. 10-11ab. 17 Handa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top