
PDL’s, mga anak ng Diyos-Bishop Florencio
24,686 total views
Binigyang-diin ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC), na kailanman ay hindi nawawala ang dignidad at pagiging anak ng Diyos ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ito iginiit ng Obispo kaugnay sa paggunita ng 38th Prison Awareness Week ngayong taon.
Ayon kay Bishop Florencio, sa kabila ng kanilang mga pagkakamali o kasalanang nagawa sa buhay ay hindi pa rin mai-aalis ang kanilang dignidad bilang tao.
“Hindi po nawawala ang kanilang dignidad bilang mga tao. Siguro, nagkasala sila, pinarusahan sila, pero hindi sila nawawalan ng kanilang pagkaanak ng Diyos. They are still children of God,” Bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa Radyo Veritas.
Sa mensahe ng Obispo para sa pagdiriwang ng 38th Prison Awareness Week, binigyang-diin nito na ang Linggo ng Kamulatan para sa mga PDLs ay isang pagkakataon upang ipaalala sa lahat na ang mga bilanggo ay nananatiling kapatid sa pananampalataya ng bawat isa na karapat-dapat para sa pag-ibig, kalinga, at awa ng Diyos.
Hinimok din ng Obispo ang mga mananampalataya na patuloy na makiisa sa Simbahan sa pagbibigay ng tulong, pagdalaw, at panalangin para sa mga nasa piitan, na madalas ay nalilimutan o hinuhusgahan ng lipunan.
“Ang tingin ng Simbahan, sila rin po ay mga taong nangangailangan ng tulong. Kung hindi natin tutulungan, baka wala ring tutulong sa atin… Tulung-tulong tayo sa pagmamahal at pagtulong sa ating mga kapatid na nasa bilangguan,” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Ayon sa prison ministry ng CBCP, layunin ng Prison Awareness Week na mapukaw ang kamalayan ng mga mananampalataya sa kalagayan ng mga PDLs at mapagtanto na ang tunay na katarungan ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng pagpaparusa kundi sa pagbibigay din ng pag-asa at pagbabalik-dangal sa mga nakagawa ng pagkakasala.
Sa temang “Our Merciful God Proclaims Hope for Us Sinners and Restores Dignity for the Persons Deprived of Liberty!”, muling ipinapaalala ng Simbahan na ang awa ng Diyos ay walang hanggan at ang bawat taong nagkasala ay tinatawagan pa rin sa pagbabagong-loob at pag-asa na hatid ng Panginoon.
Nakatakdang gunitain ngayong taon ang 38th Prison Awareness Sunday sa ika-26 ng Oktubre, 2025 kung saan taong 1987 itinakda ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang huling Linggo sa buwan ng Oktubre bilang Prison Awareness Week o linggo upang alalahanin at bigyang pansin ang kapakanan at kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.













