4,695 total views
Patuloy na pinaiigting ng mamamayan ang panawagan sa pamahalaan upang tuluyan nang ihinto ang reklamasyon sa Manila Bay.
Sa ginanap na “Save Our Sunset, Save Manila Bay: Human Chain against Manila Bay Reclamation” nitong October 18, 2023, nagkapit-bisig sa Manila Baywalk sa kahabaan ng Roxas Boulevard ang mga makakalikasang grupo at civil society organizations upang ipahayag ang mariing pagtutol at manawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na maglabas ng suspension order para sa Manila Bay reclamation project.
Kabilang sa mga nakilahok sa gawain sina Jhed Tamano at Jonila Castro na pawang mga community volunteer mula sa Alyansa ng mga Mamamayan para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan at Kalikasan ng Manila Bay (AKAP Ka Manila Bay).
Ayon kay Castro, dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang ihayag ni Pangulong Marcos ang pagpapahinto sa lahat ng reklamasyon sa Manila Bay ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa ring konkretong tugon ang pamahalaan tungkol dito.
“No actual legislation or clear legal guidelines have come about, and coastal communities across the bay area and beyond are still in jeopardy,” pahayag ni Castro.
Ibinahagi naman ni Tamano na nagpapatuloy pa rin sa ilang lugar ang pagbabanta sa mga tumututol sa reklamasyon kapalit ng katahimikan.
Iginiit nito na hindi matitinag ang paninindigan ng mamamayan upang mapigilan ang mga mapaminsalang gawain na nakakaapekto sa karagatan lalo na mga pamayanang ang hanapbuhay ay pangingisda.
“State-sponsored violence in coastal areas is often aimed to silence communities and people who dare to oppose reclamation projects, standing up against the ecological and community threats they pose,” ayon kay Tamano.
Magugunita noong Setyembre 2, 2023 nang dakpin ng mga armadong kalalakihan sina Tamano at Castro sa Orion, Bataan habang nagsasagawa ng konsultasyon sa mga mangingisdang apektado ng reklamasyon, at muling lumabas at humarap sa publiko noong Setyembre 19 sa pamamagitan ng press conference.
Samantala, maliban sa Metro Manila, apektado rin ng reklamasyon sa Manila Bay ang mga coastal area at community sa lalawigan ng Cavite, Bulacan, at Bataan.
Batay sa tala ng Department of Environment and Natural Resources, nasa 22 Manila Bay reclamation projects ang mayroong pahintulot na makapagsagawa ng operasyon, kung saan 15 rito ang nasa bahagi ng Metro Manila.
Sa Laudate Deum ng Kanyang Kabanalan Francisco, inihayag nito ang higit pang pagpapaigting ng magkatuwang na pagkilos at pagtugon ng mamamayan at pamahalaan upang mapangalagaan ang nag-iisang tahanan para sa kapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon.