3,592 total views
Muling inilunsad ng humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Alay Kapwa Expanded Campaign Program, kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng programang Alay Kapwa.
Ginanap ang nasabing pagtitipon sa Buenaventura Garcia Paredes, O.P. (BGPOP) Building sa University of Santo Tomas, España, Manila sa pangunguna ng Caritas Philippines, na may temang “Sa Kapwa Ko ay Alay: 50 Taon ng Pag-asa.”
Tampok sa gawain ang pagtatanghal ng kilalang OPM band na Ben&Ben, kung saan pinangunahan nina Alay Kapwa Mission Advocates Paolo Benjamin at Miguel Benjamin Guico, ang pag-awit sa official theme song para sa anibersaryo na pinamagatang “Sa Kapwa Ko ay Alay,” na isinulat ni Robert Labayen at nilapatan ng musika ni Jonathan Manalo.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Caritas Philippines, malaki ang maiaambag ng pagsuporta ng Ben&Ben upang higit pang hikayatin ang publiko—lalo na ang kabataan—na makiisa sa adhikain ng Alay Kapwa.
“Nagkaroon tayo ng bagong launching ng ating Alay-Kapwa Expanded Campaign Program na kung saan ay fineature (feature) natin ang bandang Ben and Ben. Sila ang mga napili nating Alay-Kapwa ambassadors na tutulong sa atin sa promotion at sa ating kampanya na makiisa, makilahok at makibahagi sa ating Alay-Kapwa Program ng Caritas Philippines ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Samantala, inaanyayahan naman ni Bishop Bagaforo ang lahat na suportahan ang isasagawang benefit concert ng Caritas Philippines sa July 8, 2025 sa Smart Araneta Coliseum bilang bahagi ng pinalawak na kampanya ng simbahan.
Mangunguna sa concert ang Ben&Ben, kasama ang iba pang Alay Kapwa Legacy Ambassadors na sina Gerald Anderson, Noel Cabangon, Barbie Forteza, Gabbi Garcia, Kuh Ledesma, at iba pang mga kilalang personalidad.
“Inaanyayahan po namin kayong lahat. Lahat po tayo sama-sama, let’s all go to Smart Araneta Coliseum on July 8. Ang inyong konting alay ay malaki po ang maitutulong natin sa ating kapwa,” panawagan ni Bishop Bagaforo.
Inilunsad ang Alay Kapwa noong 1975 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) bilang Lenten program para sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Pinalawak ito ng Caritas Philippines noong 2021 bilang year-round campaign na tumutugon sa 7 Alay Kapwa Legacy Program—and edukasyon, kalusugan, kabuhayan, kalikasan, pagtugon sa kalamidad, katarungan at kapayapaan, at mabuting pamamahala, at kasanayan.