1,778 total views
Mahalaga ang gampanin ng mga kabataan sa pagkamit ng kalayaan ng bansa.
Ito ang pahayag ni Liberal Party secretary-general Teddy Baguilat kaugnay sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.
“In fact, lagi kong sinasabi na itong August 21 ay para sana sa ating mga kabataan… This event really is for the filipino youth na sana aralin nila itong lessons nitong history para hindi maulit ulit,” bahagi ng pahayag ni Baguilat sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Baguilat, ang pagiging mulat ng mga kabataan sa iba’t ibang pangyayari sa lipunan ay mahalagang salik upang higit na maunawaan ang tunay na kahulugan ng kalayaan para sa kapakanan ng bawat Filipino.
Batid ng opisyal na bagamat nagbago na ang panahon, patuloy pa ring nararanasan ang hindi patas na pagpapatupad ng mga batas para sa karapatan ng mamamayan.
Tinukoy ni Baguilat ang suliranin sa karapatang pantao kung saan marami pa rin ang nakakaranas ng mga pang-aabuso; katiwalian sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan; at ang patuloy na kahirapan at kagutuman ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Umaasa naman si Baguilat na ang ipinamalas na katapangan at pagmamahal ni Ninoy Aquino para sa mamamayan ay gawing inspirasyon ng mga kabataang itinuturing na pag-asa ng bayan.
“So, sana ‘yun ‘yung maaral ng ating mga kababayan lalong lalo na ‘yung mga kabataan na maappreciate nila ‘yung sacrifice ni Ninoy Aquino at siguraduhin na hindi ulit mangyayari ito,” ayon kay Baguilat.
Agosto 21, 1983 nang barilin ni Rolando Lagman si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport (ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) matapos ang tatlong taong pananatili sa Estado Unidos.
Una nang sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang pagpaslang sa dating mambabatas ang nagbunsod sa mapayapang 1986 EDSA People Power revolution, at naging daan upang makamit ng bansa ang kasarinlan mula sa diktadurang pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.