Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 450 total views

Mga Kapanalig, itinuturing natin bilang aninag ng liwanag sa gitna ng nagpapatuloy pa ring pandemya ng COVID-19 ang pagkakatuklas ng bakuna upang pigilan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit na ito.

Kaya naman, sa kanyang Urbi et Orbi noong araw ng Pasko, nanawagan si Pope Francis na upang maipakalat ang liwanag na ito at makapaghatid ng pag-asa sa buong mundo, kailangang maging available ang bakuna sa lahat. Hindi raw dapat umiral ang pagkakanya-kanya ng mga bansa na siyang magiging hadlang sa pagsasabuhay natin ng ating pagiging isang pamilya, isang human family. Dapat daw nating iwaksi ang tinawag niyang “virus of radical individualism” na nagtutulak sa mga bansang isipin lamang ang kapakanan ng kani-kanilang mga mamamayan habang manhid sa pagdurusa ng mas nakararami. Vaccines for all, bakuna para sa lahat.

Kaya naman, lubhang nakababahala ang balitang nagkasundo ang European Commission na kokontrolin nito ang pag-export o pagpapadala ng COVID-19 vaccines mula sa European Union patungo sa ibang mga bansa. Ang hakbang na ito ay upang matiyak daw ng mga bansang kasapi ng European Union na sapat ang suplay ng bakuna para sa kanilang mga mamamayan. Sa gitna ito ng mabagal na produksyon ng mga pharmaceutical companies habang nagsisimula na ang ibang mga bansa sa pagbabakuna.



Ayon sa World Health Organization (o WHO), ang mga mahihirap na bansa ang pangunahing maaapektuhan ng pag-aagawan ng mga mayayamang bansa sa bakuna. Isa raw itong “catastrophic moral failure” na magpapalalâ sa pandemya at magpapabagal pa lalo sa ekonomiya ng buong mundo.

Ngunit nilinaw ng ating pamahalaang hindi maapektuhan ang Pilipinas ng hakbang na ito ng European Union. Exempted sa mga maaaring hindi mapadalhan agad ng bakuna mula sa mga pharmacuetical companies sa Europa ang mga bansang kalahok sa tinatawag na COVAX Facility ng WHO. Ang COVAX Facility ay isang mekanismong magtitiyak ng patas na pamamahagi ng bakuna sa mga developing countries katulad ng Pilipinas. Hindi rin naman daw maapektuhan ang mga nai-order ng pamahalaan mula sa AstraZeneca dahil magmumula naman ang bakuna sa pabrika nito sa Thailand at India.

Salungat ang pagkontrol ng mayayamang bansa sa suplay ng bakuna sa pinahahalagahan nating prinsipyo sa Simbahan na pag-ibig sa pagkiling sa mahihirap. Hindi ito tungkol sa pagbibigay ng special treatment sa mahihirap, ngunit ito ay pagsusumikap na itama ang kawalang katarungang kinasasadlakan ng mga mahihina at napag-iiwanan sa ating lipunan. Dito sa Pilipinas, kung totoo man na hindi tayo maaapektuhan ng hakbang ng European Commission, marapat lamang na tiyakin ng ating pamahalaang susundan nito ang inilatag nitong priority list upang tunay na maging patas ang pamamahagi ng bakuna—mula sa 1.76 milyong health workers at iba pang frontline workers, 9 na milyong senior citizens, halos 13 milyong mahihirap nating kababayan, at kalahating milyong uniformed personnel na nagpapanatili ng kaayusan sa ating bansa.

Kailangan ding maging aktibong tagapagtaguyod ng pagkakaisa ng mga bansa ang Pilipinas, hindi ang manggatong pa sa hindi pagkakasundo ng mga bansa. Ngayong umabot na sa mahigit 104 milyong kaso ng COVID-19 ang naitala sa buong mundo (at karamihan sa mga ito ay, sa awa ng Diyos, naka-recover na) habang 2.3 milyon na ang namatay sa sakit na ito, kailangan na kailangan ang pagtutulungan ng lahat ng mga bansa. Pagkakasundo, hindi kompetisyon, ang dapat na mamayani, paalala pa ni Pope Francis. Wika nga sa Ecclesiastes 4:9-12, “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila… Kung ang nag-iisa’y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa.” Sa laban sa COVID-19, higit sa dalawa ang kailangang nagtutulungan.

Mga Kapanalig, ipagdasal nating hindi na madamay ang bakuna sa pagpapaigting ng kawalang katarungan sa ating lipunan at at hindi pagkakapantay-pantay sa buong mundo.

Sumainyo ang katotohanan.

Pagkakaibigan, pinakamabisang daan ng bokasyon-Cardinal Tagle

 9,346 total views

Iginiit ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization, na ang pagkakaibigan ang isa sa pinakamabisang daan ng bokasyon, sapagkat sa pamamagitan ng mga tunay na ugnayan nagiging buhay at konkretong karanasan ang pagkilala kay Hesus at ang pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinalakay ito ni Cardinal Tagle sa isinagawang Heart to Heart Talk sa unang araw ng 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) 2026 sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, kung saan ibinahagi nina Sr. Mary Joannie Bolisay ng Sisters of Saint Paul of Chartres (SPC) at Fr. Dean Jerome Cruz ng Diocese of Cabanatuan ang mga pagkakaibigang naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa buhay relihiyoso at pagpapari.

Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na bagama’t mahalaga ang mga vocation promotion materials tulad ng posters, videos, short stories at seminars, mas nagiging makapangyarihan ang personal na ugnayan at buhay na patotoo ng mga taong nagpapakita ng kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos.

“While we appreciate the use of film, mga short stories na nakikita natin sa TV, yung mga posters announcing a diocese, a seminary, a religious order, they’re all good for giving information. But we should not discount the role of friendship in making the face of Jesus, the face of the Church, real to people,” pahayag ni Cardinal Tagle.

Ibinahagi ni Sr. Bolisay na ang kanyang pagtugon sa bokasyon ay unti-unting nahubog sa pakikipagkaibigan niya sa mga seminarista ng Maria Asunta Seminary noong siya ay youth coordinator ng Diocese of Cabanatuan.

Ayon sa madre, ang masayang samahan at dedikasyon ng mga seminarista sa paglilingkod ang naging inspirasyon upang makita niya ang kagandahan ng buhay relihiyoso.

“Iyong joyful disposition ng mga seminarians, ‘yun po ‘yung isa sa mga nakahikayat sa akin na pwede naman palang subukan. At sila din po ‘yung nagpakilala sa akin ng congregation kung saan po ako papasok,” ayon kay Sr. Bolisay.

Samantala, ibinahagi naman ni Fr. Cruz na ang kanyang bokasyon bilang pari ay nagsimula rin sa pag-anyaya at paggabay ng mga kaibigang altar server at youth ministers noong siya ay nasa high school.

Binigyang-diin ng pari na mahalaga ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan maging sa patuloy na buhay-paglilingkod, lalo na sa panahon ng mga pagsubok at panghihina ng loob sa ministeryo.

“Truth and charity, magkakambal po ‘yan para sa growing relationship. You have to be truthful and of course you have to be charitable in expressing the truth para po balanse. Kasi kapag truth lang po, baka po masaktan kung walang charity. Pero kung charity lang, baka puro compromise naman po at wala pong truth. Baka po fake friendship na po ‘yun,” saad ni Fr. Cruz.

Sa pagtatapos ng talakayan, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag matakot makipagkaibigan at maging saksi ng pag-ibig ni Kristo, dahil ang mga ugnayang binubuo ngayon ay maaaring maging binhi ng mga bokasyon sa hinaharap.

“The seeds of friendship that you sow now will be the harvest of vocation in the future,” ayon kay Cardinal Tagle.

Tema ng PCNE XII ang “Sangkay: I have called you Friends (John 15:15),” na naglalayong palalimin ang diwa ng pagkakaibigan bilang daan tungo sa pagbabagong-loob sa misyon at sa pagbuo ng isang higit na sinodal na Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Pag-ibig, pundasyon ng tunay pakikipagkaibigan

 9,362 total views

Binigyan-diin ng Prior Provincial ng Dominican Province of the Philippines Father Filemon Dela Cruz Jr., O.P – , ang ‘pag-ibig’ bilang pundasyon ng tunay na pakikipagkaibigan at matatag na ugnayan ng bawat mananampalataya sa kaniyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) sa University of Santo Tomas.

Ito ay sa kaniyang pagninilay sa session ng “Confessio Peccati et Laudis: Healing and Nurturing Relationships,” na nakatuon sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga ugnayan.

Ayon kay Fr. dela Cruz, ang tunay na pagkakaibigan ay nakaugat sa pag-ibig na nag-uudyok sa tao na pahalagahan, ingatan, at alagaan ang kapwa.

Iginiit niyang ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi isang desisyon na kilalanin ang dignidad at kahalagahan ng bawat tao, na siyang nagpapatatag sa mga ugnayang humuhubog sa pamayanan ng pananampalataya.

“Friendship is friendship in love, kaya kapag ika’y nagmahal, iingatan mo ang halaga ng isang tao pinapahalagahan mo ang taong yan, kaya mahal kita l, mahalaga ka sakin,” ayon sa pagninilay ni Fr.Dela Cruz

Binigyang-diin din ng pari na ang pagpapahalaga sa kapwa ay nagiging daan upang mapagaling ang mga nasirang relasyon at makabuo ng mga pamayanang nagkakaisa sa diwa ng pakikinig, pag-unawa, at pagmamalasakit. dahil ang tunay na pagkakaibigan ay naipapakita sa konkretong pag-aaruga at patuloy na pag-akay sa isa’t isa tungo sa pag-ibig ni Kristo.

Kaugnay nito, umaasa si Fr. dela Cruz na magsisilbing inspirasyon ang PCNE 2026 upang higit pang mapalalim ang kultura ng pagkakaibigan at pagmamahalan sa loob ng Simbahan, kasabay ng paghahanda ng mga mananampalataya para sa Evangelization 2033, sa pamamagitan ng paghubog ng mga disipulong handang magmahal, maglingkod, at maghatid ng pag-asa sa kapwa.

Pagkakaibigan, mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo- Papal Nuncio sa mananampalataya

 10,448 total views

Binigyang-diin ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na ang tunay na pagkakaibigan na nakaugat kay Hesukristo ang mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Sa kanyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII), sinabi ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas na ang pagkakaibigan ay isa sa pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao, kasunod lamang ng mismong buhay, sapagkat ito ang nagpapatatag sa mga pamayanan at nagbibigay ng tunay na kagalakan at pag-asa.

Ipinaliwanag din ni Archbishop Brown na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nakabatay sa pakinabang o pansariling interes kundi sa kalayaan, kabutihang-loob, at tapat na pagmamahal sa kapwa.

“Friendship is truly one of life’s greatest treasures, next only to the gift of life itself. Even wealth without friends feels empty when compared to the joy of good friendship. Friendship strengthens communities and transforms ordinary connections into lasting happiness. Without it, life becomes incomplete and burdensome. This is not merely because we are social beings, but because friendship is a vital bond rooted in freedom, generosity, and goodwill. Friendship is more than duty or utility.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.

Binigyang-diin din nito ang turo ni San Agustin na ang tunay na kaibigan ay nananatiling tapat sa anumang kalagayan ng buhay.

Ayon kay Archbishop Brown, ang pagkakaibigan ay higit pang nagiging ganap sa pananampalatayang Kristiyano sapagkat ito ay nagiging pakikipagkaisa kay Kristo na humahamon sa mga mananampalataya na sama-samang maglingkod, ipagtanggol ang pananampalataya, at pangalagaan ang pagkakaisa ng Simbahan.

“In our mission as Christians, friendship means communion in Christ. Together we strive for the faith, resist false teachings, and guard against discord,” Dagdag pa ni Archbishop Brown.

Ipinaalala rin ng kinatawan ng Santo Papa na ang sukdulang larawan ng pagkakaibigan ay ipinakita mismo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa Kanyang mga kaibigan.

Kasabay nito ay binati ni Archbishop Brown si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang mga obispo, pari, mga nakatalaga sa buhay-relihiyoso, layko, at lalo na ang mga kabataang kalahok sa kumperensya, at hinikayat ang lahat na patuloy na isabuhay ang diwa ng pagkakaibigang nagmumula kay Kristo bilang daan sa masiglang misyon ng ebanghelisasyon.

Isinagawa ang 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) noong Hulyo 24 hanggang 26, 2026 sa University of Santo Tomas sa Maynila na may temang “Sangkay: I Have Called You Friends” (Jn. 15:15), na naglalayong palalimin ang pakikipagkaibigan kay Hesus at paigtingin ang pakikibahagi ng bawat mananampalataya sa misyon ng Simbahan.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 63,119 total views

 63,119 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 91,411 total views

 91,411 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 137,342 total views

 137,342 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 170,425 total views

 170,425 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »

Gaslighting

 194,723 total views

 194,723 total views Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”? Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 63,120 total views

 63,120 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 91,412 total views

 91,412 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 137,343 total views

 137,343 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 170,426 total views

 170,426 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »
Scroll to Top