2,161 total views
Binigyang-diin ng Stella Maris-Philippines na dapat isaalang-alang ang pagtugon sa epekto ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Bishop Promoter ng Stella Maris-Philippines Balanga Bishop Ruperto Santos, hindi lamang nakasalalay sa mga shipping company ang pananagutan sa insidente, kundi maging sa pamahalaan at mga industriya.
Dagdag ni Bishop Santos na kinakailangan na ang agarang paghahanda at pagkilos para sa prevention, restoration, at clean-up efforts.
“Enforce stringent standards to safeguard everyone’s safety. Integration precautionary measures should be part of daily operations,” pahayag ni Bishop Santos.
Ikinalulungkot naman ng Obispo ang pinsala ng pagtagas ng langis sa mga yamang-dagat, maging sa mga mangingisdang ang hanapbuhay ay nagmumula sa dagat.
Panawagan ni Bishop Santos na agad na ipatupad ang mga pamamaraan para sa pagpapanatili at pagpapanubalik ng marine habitat upang mapigilan ang karagdagang panganib at pinsala ng oil spill.
Gayundin ang pagtulong sa mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng mga pagsasanay na magbibigay ng pansamantalang hanapbuhay hanggang sa matiyak na ligtas na muling mangisda.
Nagpapasalamat naman si Bishop Santos sa mga patuloy na tumutulong upang mapadali ang pagpapanumbalik sa napinsalang karagatan at kalikasan.
“Finally, we want to express our heartfelt gratitude and appreciation to the individuals and sectors who are helping and are continuing to become a part in this process of restoration and rehabilitation,” ayon kay Bishop Santos.
Pebrero 28, 2023 nang tumaob sa karagatan ng Oriental Mindoro ang MT Princess Empress dala ang 900-libong litrong industrial fuel, na naging dahilan ng patagas ng langis na umabot na sa mga karatig na lalawigan.