2,243 total views
Patuloy ang pagbuhos ng suporta kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na biktima ng red-tagging dahil sa aktibong pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa bansa.
Bukod sa mga kapwa Obispo, nagpaabot ng suporta kay Bishop Alminaza ang iba’t ibang institusyon, organisasyon at kongregasyon ng Simbahang Katolika gayundin ang mga kabilang sa ibang denominasyon.
Pinakabagong nagpahayag ng suporta kay Bishop Alminaza ang The Religious Discernment Group na pinangangasiwaan ng co-convener nito na si Rev. Fr. Wilfredo Dulay, MDJ.
Kinondena ng Religious Discernment Group ang pagpapalaganap ng mga maling impormasyon sa publiko ng Sonshine Media Network International, o SMNI kung saan tahasang inugnay ng mga host ng isang programa nito si Bishop Alminasa sa komunistang grupo sa bansa.
“These days, the Sonshine Media Network International, or SMNI, employs a couple of hosts for their program Laban Kasama ang Bayan to malign Bp Gerardo A. Alminaza, a known truth advocate and defender of the oppressed sectors of Philippine society.” pahayag ng The Religious Discernment Group.
Ayon kay Fr. Dulay, hindi katanggap-tanggap ang patuloy na red-tagging at pagkakalat ng mga maling impormasyon ng mga maituturing na huwad na mga mamamahayag laban kay Bishop Alminaza at sa iba pang may mabuting intensyon at pagnanais na isulong ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Pinuna rin ni Fr. Dulay ang patuloy at pilit na pag-uugnay sa terorismo ng mga komunistang grupo sa kabila ng deklarasyon ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 presiding judge Marlo Magdoza-Malagar na hindi magkasingkahulugan o magkapareho ang terorismo at ang pagiging komunista.
“These unscrupulous pseudo-journalists are harassing the Bishop [Bp Gerardo A. Alminaza] and members of other Christian churches by linking them with communist rebels. They insist on categorizing communists as a terrorist group, notwithstanding the legal declaration already pronounced by the Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 presiding judge Marlo Magdoza-Malagar that communist rebels are not terrorists, and that guerrilla warfare is not synonymous with terrorism.” Dagdag pa ni Fr. Dulay.
Hinikayat naman ng Pari ang bawat isa na patuloy na ipanalangin ang kapakanan ng mga lingkod ng Simbahan gayundin ang lahat ng mga indibidwal na sa kabila ng banta ng kapahamakan dulot ng patuloy na red-tagging.
“Advocacy is a challenge to our human creativity and the tenacity that should accompany our Christian commitment. Let us pray for Bishop Gerry and his fellow advocates. Let us pray for the Filipino people who are deserving of better, and more than the abuse of exploiters posing as their leaders.” Ayon pa kay Fr. Dulay.
Iginiit ni Fr. Dulay na hindi biro ang banta at kapahamakan na maaaring idulot ng red-tagging lalo na laban sa mga human rights and peace advocates na tagapagsulong ng kapayapaan, karapatan at katahimikan sa bansa.