1,654 total views
Buong kababaang loob na tinanggap ni Calapan Bishop-designate Moises Cuevas ang paghirang ni Pope Francis bilang pastol sa Apostolic Vicariate of Calapan sa Oriental Mindoro.
Tiniyak ng obispo sa mananampalataya ng bikaryato ang kahandaang maglingkod at makilakbay tungo sa iisang hangaring pag-alabin ang pananampalataya ng mamamayan.
“Rest assured of my readiness to serve the Church of Calapan as its Vicar Apostolic,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cuevas.
Pinasalamatan ng obispo si Fr. Nestor Adalia na naglingkod bilang tagapangasiwa ng bikaryato sa nakalipas na apat na taon mula nang magkasakit si Bishop Warlito Cajandig.
Samantala pinasalamatan din ni Bishop Cuevas ang manananampalataya ng Zamboanga sa suporta at pakikiisa sa mga programa ng simbahan sa kanyang pamamahala.
Ibinahagi ng obispo na ang tagumpay sa paglalakbay ng simbahan sa Zamboanga ay bunsod ng pagkakaisa ng mananampalataya sa pagpapahayag ng misyon ni Hesus.
“I wish to express my inexplicable gratitude for the Church of Zamboanga in allowing me to journey with its people as a pastor and servant. The Archdiocese of Zamboanga is truly blessed because of its rich heritage of the Catholic faith and commitment of its people towards the Gospel,” ayon sa obispo.
Dekada 80 nang dumating si Bishop Cuevas sa Zamboanga mula Batangas City kung saan ito ipinanganak at pumasok sa Pastor Bonus Seminary at sa Sain Francis Xavier Regional Major Seminary sa Davao City bago maordinahan noong December 2000.
Pinasalamatan din ng obispo ang Panginoon at maging si Pope Francis na buong pusong pinagkatiwalaan sa gawaing pagpapastol sa arkidiyosesis bilang katuwang na obispo sa loob ng dalawang taon mula August 2020 at halos tatlong taong Apostolic Administrator kasunod ng pagpanaw ni Archbishop Romulo Dela Cruz noong December 2021.
June 29 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo ay itinalaga ni Pope Francis si Bishop Cuevas bilang pastol sa 900-libong katoliko ng Bikaryato ng Calapan katuwang ang mahigit 70 mga pari sa 23 mga parokya.