311 total views
Naniniwala ang bagong hirang na Obispo na isang panibagong misyon ang susuungin para sa Simbahang Katolika.
Labis ikinagulat ni Bishop-elect Cosme Almedilla nang ianunsyo ng Vatican na pamunuan nito ang Diyosesis ng Butuan.
“Nakuratan man ta kay wa man ta mangandoy, wa ta nangapply, wa ta magtinguha [Nagulat ako kasi hindi ako nangarap, hindi ako nag-apply, hindi ko ninais (na maging Obispo)], but this is a call, another task and greater mission in His Church,” pahayag ni Bishop – elect Almedilla sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng bagong hirang na Obispo na kung pagbabatayan ang kaniyang mga karanasan, simpleng Kura Paroko lang ito sa isa sa mga Parokya ng Diyosesis ng Talibon at nakipamuhay sa mga mahihirap sa kanilang bayan.
Inamin ng Pari na binabalak pa nitong magbawas ng mabibigat na trabaho sa mga grupong pinaglilingkuran bilang Kura Paroko sa pagsapit ng kaniyang ika – 60 kaarawan ngayong taon.
Sa halip ay hangad ni Bishop – elect Almedilla ang simpleng pamumuhay tulad ng farming at organic gardening na kadalasang ginagawa ng mga nasa probinsya.
Gayunpaman, tiniyak ni Bishop – elect Almedilla na tutugon ito sa panibagong tawag ng pagmimisyon ang pamahalaan ang Diyosesis ng Butuan nay may higit isang milyong Katoliko katuwang ang higit 100 mga Pari ng Diyosesis.
“I go to participative leadership dahil we are moving towards a more participatory Church,” ani ni Bishop – elect Almedilla.
Hiniling ng itatalagang Obispo ng Butuan na magtulungan ang bawat lingkod ng Simbahan sa nasabing Diyosesis tungo sa mas maunlad na sambayanan ng Diyos.
“We will move as a team, or as a body not only me. I’ll be sent there as overseeing Bishop and shepherd to be with them in the journey of faith,” ani ng Obispo.
Si Bishop – elect Almedilla ay inordinahang pari taong 1987 at ang kasalukuyang parish priest ng Holy Child Parish sa bayan ng Ubay at masigasig itong nagsusulong ng mga programang magpapayabong sa buhay pananampalataya ng mamamayan sa pamamagitan ng Basic Ecclesial Communities.
Nagsilbi rin ito noon bilang spiritual director ng St. John XXII College Seminary, Director of the Holy Child Academy at chaplain ng Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City.