1,938 total views
Nagtulungan ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Quezon City government upang matugunan ang pangangailangan ng mga maralitang tagalunsod.
Ito ay sa paglulunsad ng 2-day ‘Buhay at Bahay Caravan’ kung saan nilagdaan ang kasunduan ni PCUP Undersecretary Elpidio Jordan Jr at Quezon City 2nd District Representative at Urban Poor and Human Settlement Chairman Mikey Belmonte.
“Alinsunod sa agenda ni Pangulong Bongbong Marcos na iangat ang buhay ng maralitang sektor, ang programa ay naglalayon na makabuo ng mga agaran at pangmatagalang mga programa at proyekto mula sa nasyonal at internasyonal na mga partners na maaaring umakma at magpapalakas sa mga interbensyon ng QC LGU upang maibsan ang kahirapan,” ayon sa mensaheng ipinadala ng PCUP sa Radio Veritas.
Binigyan diin ni Q.C Vice Mayor Gian Sotto na mahalaga ang pagtutulnugan sa pagitan ng mga ahensya at sangay ng pamahalaan para tugunan ang lumalalang sitwasyon ng kahirapan sa bansa.
Sa panig ng Social Arm ng Archdiocese of Manila, noong 2022 umabot sa Php1.2 bilyong piso ang ibinigay na tulong ng Caritas Manila sa naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Habang umabot naman sa Php111.7-million ang pondo ng Caritas Manila para sa pag-aaral ng may 5,400-Youth Servant Leadership and Education Program.