485 total views
Hinimok ng opisyal ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na tiyaking napapangalagaan ang kapaligiran kasabay ng paggunita sa Undas 2022.
Ayon kay Fr. Antonio Labiao, Jr, executive secretary ng NASSA/Caritas Philippines, bilang mga mabubuting katiwala ng inang kalikasan ay dapat ipakita ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kapaligiran katulad ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa ginanap na Untrash Undas: Enforce B.T.S. (Bawal magTapon sa Sementeryo) Policy ng EcoWaste Coalition sa Manila North Cemetery.
“It’s our shared responsibility to ensure that our environment, which includes us all, is protected against practices that pollute and degrade it… Let’s make our cemeteries trash-free,” pahayag ni Fr. Labiao.
Ipinaliwanag naman ni EcoWaste Zero Waste Campaigner Jove Benosa na layunin ng B.T.S Policy na hikayatin ang mamamayan na huwag magkalat ng anumang basura sa mga sementeryo sa pagbisita sa mga puntod ng mga yumao ngayong Undas.
Ang panawagan ay kaugnay na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa lalo na’t patuloy ang pagluwag ng mga panuntunan laban sa COVID-19.
“We appeal to our fellow Filipinos to make this year’s observance of Undas different from the pre-pandemic celebrations marred by tons of garbage left by cemetery visitors and vendors. Enforcing B.T.S. (no littering in the cemetery) and taking other practical steps to minimize other forms of environmental pollution will contribute to a cleaner and healthier commemoration of Undas,” ayon kay Benosa.
Batay sa tala ng Metropolitan Manila Development Authority noong 2019, umabot lamang sa 14 na truck ng basura ang nakolekta mula sa 27 sementeryo sa kalakhang Maynila noong ginunita ang Undas.