340 total views
Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagsisikap ng pamahalaan upang makakuha ng COVID-19 vaccine at pagbibigay ng karapatang mauna ang mga pamilya mula sa mahihirap na komunidad na makatanggap nito.
Batay sa inilabas na pahayag ng CBCP-Episocopal Office on Bioethics, pinuri nito ang pamahalaan sa pagbibigay pansin sa mga mahihirap na mamamayan sa bansa para sa programa ng pagbabakuna.
Sinabi ng kalipunan ng mga Obispo na ang mga mahihirap na silang minamahal ng Panginoon, ay dapat na mapangalagaan dahil ang kahirapan ang lalong maglalapit sa kanila sa panganib na dala ng impeksyon at iba pang malalang mga sakit.
“The poor are beloved of the Lord. They should be especially protected because their poverty makes them vulnerable to infection and severe disease,” mula sa pahayag ng CBCP-Episcopal Office on Bioethics.
Hinihikayat naman ng mga Obispo ang mamamayan na magpabakuna oras na dumating sa bansa ang COVID-19 vaccine upang tuluyan nang magwakas at malunasan ang pandemyang nagpapahirap sa bansa.
Kaalinsabay ng pagsuporta ng kalipunan ay pinasalamatan din nito ang mga pribadong organisasyon na tumulong upang pondohan ang pagkuha ng bakuna.
Hinihimok naman nito ang pamahalaan at mga pribadong sektor na nawa’y na itaguyod ang sinel vaccine distribution plan na uunahin ang mga medical frontliner lalo na ang may mas mataas na posibilidad ng pagkahawa sa COVID-19.
“We urge our government and the private organizations who have helped fund the procurement of the COVID-19 vaccines to commit themselves to a single vaccine distribution plan that prioritizes medical frontliners and those who are most at risk for COVID-19,” ayon sa pahayag ng CBCP.
Samantala, ipinaalala naman ng CBCP na itinuturo sa katesismo ng simbahang Katolika na ang bawat isa ay may karapatang kumilos ng naaayon sa kaniyang konsensiya at may kalayaang gumawa ng moral na desisyon.
Dagdag pa ng kalipunan na kinikilala nitong ang bawat isa ay dapat hayaang magdesisyon kung pipiliin nitong mabakunahan o hindi ayon sa kanyang konsensiya.
“We therefore recognize that each individual person should be left free to decide to choose to be vaccinated or not according to his or her conscience…” ayon sa kalipunan ng mga Obispo.
Nabahala rin ang mga Obispo makaraang malaman na ang ilang COVID-19 vaccine ay nilikha gamit ang mga cell mula sa katawan ng isang pinalaglag na fetus na babae na pinaslang noon pang taong 1973.
“The perennial teaching of the Church must be repeated: Deliberately procuring abortion, even if it is for the purpose of obtaining material for vaccines, is morally unacceptable,” pahayag ng CBCP.
Matatandaang noong Oktubre, 2020, naglabas ang CBCP ng mga panuntunang humihikayat sa pamahalaan na unahin ang mga bakunang nalikha ng hindi gumagamit ng mga cell mula sa katawan ng pinalaglag na sanggol.
Ang pahayag pastoral na ito ay nilagdaan ni Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay, chairman ng CBCP-Office on Bioethics noong Enero 08, 2021, at pinagtibay ni Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng kalipunan.