403 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa paggunita ng mga Muslim sa Banal na Buwan ng Ramadan.
Ayon kay Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, kaisa maging ang mga Kristiyano’t Katoliko sa pagbibigay halaga sa layunin ng Banal na Buwan ng Ramadan na panahon ng pagsisisi, pagninilay at panahon ng pananalangin ng mga Muslim.
Ipinagdarasal ni Bishop Bagaforo na siya ring National Director ng Caritas Philippines na gabayan ang bawat isa sa kanilang pananalangin para sa pagbabalik loob at pagbabago ng puso na nakabatay sa mga turo at aral ni Prophet Muhammad.
“Ang pagbati ay ipinapaabot natin sa ating mga kapatid na Islam sa kanilang selebrasyon ng Buwan ng Ramadan, Assalamualaikum sa lahat nating mga kapatid na Islam at nawa ay ang selebrasyon ng kanilang Ramadan ay magbigay ng paalaala sa kanilang lahat tungkol sa magagandang aral at turo ni Prophet Muhammad – peace be to his name at sila ay makapagbalik loob sa Diyos at sa ating kapwa,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa rin ang Obispo na kasabay ng pagsisisi ng bawat isa sa kanilang mga nagawang kasalanan ay magkaroon din ng ganap na pagpapatawad ang bawat isa sa mga maling nagawa ng kanilang kapwa.
“Sana magkaroon ng forgiveness ang kanilang mga kasalanan at pagpapatawad sa lahat ng ating mga kapatid na nagkamali sa ating buhay, nawa’y ang kanilang selebrasyon ng Buwan ng Ramadan ay muling maging maka-Diyos ang kanilang buhay, sa kanilang lahat maligayang pagbati at Alhamdulillah,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Nagsimula ang Banal na Buwan ng Ramadan o ang isang buwang pag-aayuno ng mga Muslim noong ika-2 ng Abril, 2022 na magtatapos sa ika-3 ng Mayo, 2022.
Batay sa tala, umaabot sa 10-milyon ang bilang ng mga Muslim sa Pilipinas kung saan mayorya ay mga Katoliko.