2,529 total views
Iginiit ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na tunay nang nangyayari ang epekto ng climate crisis.
Ayon kay Bishop Bagaforo, hindi na maituturing na kathang-isip lamang ang epekto ng krisis sa klima dahil higit pang lumalala ang pag-init ng temperatura ng daigdig na nagiging sanhi ng mas malalakas na sakuna at kalamidad hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bahagi ng mundo.
Binigyang-diin ng obispo ang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa apostolic exhortation na Laudate Deum na hinihikayat ang bawat isa na hindi na sapat ang pag-iisip ng mga dapat gawin upang matugunan ang pinsala sa kalikasan, bagkus higit nang kailangan ang pagkilos upang tuluyang mapigilan ang lumalalang krisis sa kapaligiran.
“Climate crisis is real! Hindi na ito isang imahinasyon na lamang. Damang-dama na natin ang pagbabago ng panahon. Pope Francis, with Laudate Deum has outlined for us what we should be doing to avert the effects of the planetary crisis,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Una nang ibinahagi ng Santo Papa sa Laudate Deum ang pagkabahala sa mga nangyayaring pinsala sa nag-iisang tahanan kung saan hindi na ito maituturing na climate change lamang kun’di climate crisis.
Ang Laudate Deum ang panibagong apostolic exhortation ng Santo Papa Francisco na sumusuporta sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ upang paigtingin ang pagkilos at pangangalaga sa naghihingalong kalikasan.
Isinapubliko ito noong Oktubre 4, 2023, kasabay ng paggunita sa patron ng sangnilikha na si San Francisco ng Asis, at pagtatapos sa pandaigdigang pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation.