4,404 total views
Lumagda sa isang kasunduan ang pamunuan ng Archdiocesan Shrine of Mary Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine, IDEALS at Integrated Bar of the Philippines -Rizal RSM Chapter para sa paglulunsad ng Legal Aid Center ng dambana.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Rector ng EDSA Shrine ang paglagda sa kasunduan na umaasang makatulong ang programa para mabigyan ng legal na pag-agapay at kaalaman ang mga mahihirap na walang sapat na kaalaman kaugnay sa usaping legal.
Ayon sa Pari, layunin ng Free Legal Aid Program ng EDSA Shrine na makapagkaloob ng serbisyong legal partikular na sa mga mahihirap na walang sapat na kakayahan upang makakuha ng abogado.
“Alam ninyo marami tayong mga kababayan na wala talagang access sa batas, unang-una diyan wala kasi silang access sa abogado dito sa EDSA Shrine ninanais natin na yung mga abogado ay makapagbigay sana ng serbisyo na libre sa mga kababayan natin… So we want EDSA Shrine to be a center na pwedeng magkaroon ng access sa abogado yung mga kababayan natin, matulungan sila sakalimang meron silang mga problemang legal.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pangulo ng Integrated Bar of the Philippines -Rizal RSM Chapter na si Atty. Jam Ibañez sa pamunuan ng EDSA Shrine para sa pagsisilbing daan upang makapagkaloob ng libreng serbisyong legal para sa mga mahihirap sa lipunan.
Ipiliwanag ni Atty. Ibañez, mahalaga ang layunin ng programa upang higit na mapalawig ng IBP ang misyon nitong makapagkaloob ng serbisyong legal lalo’t higit para sa mga walang sapat na kaalaman at kakakayahan upang makakuha ng abogado o payong legal.
“It’s really one of our basic thrust which really is to help everyone in need and the church provides us that avenue to be able to do that so we are very thankful to Fr. Jerome Secillano- Rector of the EDSA Shrine and we hope to be able to spread this to and involve also other chapters as well within our jurisdiction po kasi access to justice talaga yung pinaka-importanteng (mission) namin how do we widen or broaden access to justice for those who really need it the most.” Ang bahagi ng pahayag ni Atty. Ibañez.
Naganap ang paglagda sa kasunduan at paglulunsad ng Legal Aid Center ng EDSA Shrine kasabay ng Banal na Misa noong ika-14 ng Oktubre, 2023 kung saan binigyang diin ni Fr. Secillano ang kahalagahan ng pagtulong at pag-agapay sa mga mahihirap sa iba’t ibang mga pamamaraan.
Maaring magtutungo sa EDSA Shrine para sa Free Legal Aid Program ng dambana tuwing araw ng Biyernes mula alas-nuebe hanggang alas-unse ng umaga.