261 total views
Mas maiiwasan na ang kurapsyon sa SK level dahil sa implementasyon ng bagong SK Reform Law sa darating na SK at Barangay Election sa ika-31 ng Oktubre.
Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos – Executive Director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at Chairperson of Task Force Eleksyon 2016, dahil sa inaasahang pagpapatupad na Anti-Dynasty Probation at pagtataas ng edad ng mga maaring tumakbong SK Official ay mas naiiwasan na madiktahan ng mga magulang o ng iba pang mga opisyal ng barangay ang mga SK sa pagpasok sa iba’t ibang transaksyong pambaranggay.
“Nagkaroon tayo ng Anti-Dynasty Probation na hindi na pwedeng tumakbo sa SK yung may kamag-anak na politiko na, pangalawa yung sino yung pwedeng tumakbo bilang SK Chairman at mga kagawad niya. So ngayon dahil nasa tamang edad na yung mga pwedeng tumakbo hindi na magdi-depende yung mga SK Officials natin sa ibang tao, so mas maiiwasan yung corruption sa SK level…”pahayag ni Caritos sa panayam sa Radio Veritas.
Sa ilalim ng bagong SK Reform Law, maaari lamang bumoto sa SK ang mga may edad na 15 hanggang 30-taong gulang ngunit ang maaari lamang tumakbo para sa katungkulan ay ang mga may edad 18 hanggang 24-taong gulang.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC) nakatakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbong Barangay at SK Officials mula ika-3 hanggang ika-5 ng Oktubre kung saan bahagi ng COC na lalagdaan partikular ng mga SK Candidates ang pagtiyak na wala silang kamag-anak sa mga halal na opisyal na maaaring maging batayan ng posibleng diskwalipikasyon sa kanilang posisyon.
Kaugnay nito, matapos ang dalawang linggong muling pagbubukas ng registration ng Commission on Elections naitala ng kumisyon na tinatayang umabot sa 2-milyon ang mga nagparehistro para sa halalang pambarangay sa ika-31 ng Oktubre.
Matatandaang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST, ni Pope Francis noong ika-18 ng Enero taong 2015 ay hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.