1,322 total views
Itinuring ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasaka bilang makabagong bayani sa kasalukuyan lalo na sa kinakaharap na pandemya bunsod ng coronavirus.
Ayon kay Agrarian Secretary Bro. John Castriciones, malaki ang papel na ginagampanan ng mga magsasaka upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa bawat pamilyang Filipino sa panahon ng pandemya.
Ito ang mensahe ng kalihim kasabay ng isinagawang harvest festival ng ‘Buhay sa Gulay’ project sa Bagong Silangan sa Quezon City nitong Pebrero 18.
“Sa naranasan nating pandemya ngayon talagang makita natin ang kahalagahan ng mga magsasaka at iba pang manggagawa sa agrikultura; modern heroes din sila sapagkat patuloy ang pagbibigay ng pagkain sa ating hapagkainan,” pahayag ni Castriciones sa panayam ng Radio Veritas.
Ito na ang ikawalang harvest festival sa proyekto ng D-A-R katuwang ang lokal na pamahalaan na naunang inilunsad sa lunsod ng Maynila partikular sa St. John Bosco Parish sa Tondo.
Naniniwala naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte na matulungan ng urban gardening ang pagkakaroon ng matatag na suplay ng pagkain sa mamamayan ng lunsod.
Ibinahagi ni Belmonte na matagumpay ang Joy of Urban Farming na pinasimulan ng alkalde sampung taon na ang nakalipas sa pamamagitan ng backyard farming.
Dahil dito tiniyak ng D-A-R ang buong suporta sa sektor ng pagsasaka katuwang ang Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gobyerno.
“Kaya dapat palakasin pa natin ang kanilang sektor [pagsasaka] para mas maengganyo ang mamamayan na tularan ang urban gardening,” dagdag ni Castriciones.
Ang ‘Buhay sa Gulay’ sa Quezon City ay may lawak na 10-ektarya na matatagpuan sa New Greenland sa Bagong Silangan kung saan direktang makikinabang ang may 300 pamilya.
Dumalo sa harvest festival sina Cabinet Secretary Karlo Nograles, pinuno ng Task Force Zero Hunger ng pamahalaan, mga opisyal ng DAR sa pangunguna ni Secretary Castriciones, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng DA at DSWD.