Itinuturing na hamon ng Diocese of Caloocan ang makapagbigay ayuda sa muling pag-ahon sa buhay ng mga naiwang pamilya ng mga biktima ng marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Tiniyak ni Rev. Fr. Jerome Cruz, Vicar General ng Diocese of Caloocan na puspusan ang pagpupursige ng Diyosesis na matulungan at masuportahan ang naiwang pamilya ng mga biktima ng War on Drugs.
Ayon sa Pari, bahagi ng tulong na ipinagkakaloob ng Simbahan ay ang scholarship program sa mga kabataang naulila ng mga biktima ng Extra Judicial Killings na nasasakupan ng Diyosesis.
“Isang napakalaking hamon na magkaroon pa sila ng buhay pagkatapos ng kalunos-lunos na pangyayari sa kanila, na magkaroon sila ng pagkakataon na magkaroon ng edukasyon para naman mayroong patunguhan yung kanilang buhay, hopefully yun yung isa naming talagang pinagsusumikapang gawin dito sa Diocese ng Caloocan yung suportahan yung mga children of EJK victims at saka yung mga pamilya nila para magkaroon ng scholarship para sa mga kabataan…” pahayag ni Father Cruz sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, sa San Jose Academy sa Diocese of Caloocan napili ng Aid to the Church in Need Philippines na ilunsad ang Worldwide Prayer Event na One Million Children Praying the Rosary Campaign dahil na rin sa naaangkop ito sa layunin ng kampanya na ipanalangin ang kapakanan ng mga kabataang naulila sa War on Drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Fr. Jerome Cruz na siya ring Director ng San Jose Academy, ang pagkakaloob ng Diyosesis ng Scholarship sa mga batang naulila ng EJK ay bahagi ng pagsusumikap ng Simbahan na makatulong sa pagbibigay ng pag-asa sa mga pamilyang biktima ng karahasan.
“San Jose Academy is an active part of this initiative and one of the schools, isa sa mga eskwelahan na nagsasakatuparan nito…” Dagdag pa ni Rev. Fr. Jerome Cruz.
Nakibahagi sa isinagawang One Million Children Praying the Rosary Campaign ng Aid to the Church in Need Philippines ang may 1,200 mag-aaral ng San Jose Academy mula Grade 1 hanggang grade 11 kung saan nakasabay nila sa pananalangin ng Santo Rosaryo ang iba pang mga kabataan sa may 80-mga bansa sa buong mundo.
Read: One Million Children Praying the Rosary, live sa Radio Veritas
Nauna na ring umapela sa mga otoridad si CBCP Vice President Diocese of Caloocan Bishop Pablo Virgilio David upang bigyang ng katarungan ang kaso ng mga pagpaslang partikular na sa Caloocan City-South, Malabon at Navotas.






