Nagpahayag ng pagkabahala ang Diocese of San Pablo kaugnay sa pagkalat ng iba’t ibang COVID-19 variants sa syudad ng San Pablo na bahagi ng probinsya ng Laguna.
Ayon kay Diocese of San Pablo Vicar General Msgr. Jerry Bitoon, nakababahala ang naging opisyal na kumpirmasyon ng alkalde ng San Pablo na nasa syudad na ang dalawang variants ng COVID-19 na South African variant at UK variant.
Pagbabahagi pa ni Msgr. Bitoon, bukod sa kumirmasyon ng presensya ng dalawang variants ng COVID-19 ay hindi pa rin bumababa ang kaso ng sakit sa San Pablo.
“Medyo alarming kasi nag-declare yung aming mayor days ago na nandito na sa San Pablo yung variant na South African at saka yung UK variant and cases ay talagang hindi pa bumababa dito sa San Pablo so the other day mga 24 [cases] something like that so everyday may mga ganun that why yun din ang dahilan kung bakit kami ng start ng Praying with Mary [online rosary] alarming talaga…” pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Msgr. Bitoon na ang naturang sitwasyon sa San Pablo ang dahilan ng paglulunsad ng Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit o San Pablo Cathedral ng limang buwang online rosary initiative upang ipanalanging mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
Batay sa ulat ng Department of Health bukod sa South African variant at UK variant ng COVID-19 ay nasa Pilipinas na rin ang Indian variant na pinangangambahang higit na magdudulot ng mas mapanganib na epekto sa mahahawaan nito.
Samantala patuloy naman ang month-long Rosary Marathon na inilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco ngayong buwan ng Mayo kung saan inaanyayahan rin ng Santo Papa ang lahat sa buong mundo na magdasal ng Santo Rosaryo upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic na nagdudulot ng malawakang krisiis sa buong daigdig.






