35,548 total views
Naghain ang Diyosesis ng Bayombong, katuwang ang mga apektadong pamayanan ng Nueva Vizcaya, ng Petition for Certiorari sa Korte Suprema laban sa iligal na pag-renew ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold Philippines, Inc.
Ang petisyon ay kaugnay ng sinasabing paglabag ng OceanaGold sa karapatan ng mga lokal na pamahalaan at sa obligasyon ng pamahalaan na magsagawa ng sapat na konsultasyon at environmental impact assessment sa mga komunidad na maaapektuhan ng pagmimina.
Pinanagunahan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, ang paghahain ng petisyon, at sinabing nagkamali ang Bayombong Regional Trial Court (RTC) sa desisyon nitong balewalain ang karapatan ng mamamayan sa makabuluhang public consultations sa proseso ng pag-renew ng FTAA.
“We reiterate that the OGPI FTAA renewal is illegal for failing to consult communities and local authorities whose concerns over the risks we face for the next 25 years of destructive mining were overrode,” pahayag ni Bishop Mangalinao.
Sa petisyon na isinampa noong Disyembre 19, 2025, iginiit na nilabag ng RTC ruling ang Sections 26 at 27 ng Local Government Code, na nag-uutos sa pambansang pamahalaan na magsagawa ng lokal na konsultasyon at kumuha ng pahintulot mula sa mga lokal na pamahalaan bago ipatupad ang anumang environmentally critical project, kabilang ang FTAA renewal ng OceanaGold.
Binanggit din sa petisyon na nagkamali ang RTC sa interpretasyon nito na ang 2019 Addendum at Renewal Agreement ay simpleng pagpapatuloy lamang ng 1994 FTAA. Sa pagtanggap umano sa ganitong pananaw, nilabag ng korte ang probisyon na ang mineral agreement ay may bisa lamang ng 25 taon at maaari lamang i-renew nang isang beses.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Ryan Roset, senior legal fellow ng Legal Rights and Natural Resources Center at isa sa mga abogado ng mga petitioner, na ang mga renewal ay sumasaklaw na sa development at utilization phases ng pagmimina, kaya nangangailangan ng mas mahigpit na pagsunod sa batas dahil sa malalim na epekto nito sa kalikasan at mga komunidad.
“Consider for instance that we are now in an era of unprecedented climate crisis that the Didipio mine’s original designs could not have accounted for. Not only should there be prior consultation, but even more so prior approval,” ayon kay Roset.
Sakaling paboran ng Korte Suprema ang petisyon, maaaring ideklarang walang bisa ang 2019 addendum at renewal agreement ng FTAA No. 001 dahil sa paglabag sa batas, at mapipilitang kanselahin ito ng Office of the President.




